Ang Moralidad ng Naratibo

Masjid at Manili, Carmen North Cotabato Photo by Sarah Matalam
Masjid at Manili, Carmen North Cotabato Photo by Sarah Matalam

ni Rogelio Braga

“A GOOD MORO is a dead Moro.” Una kong narinig ang mga salitang ito sa isang pribado at propesyunal na kumbersasyon noong 2007 sa Cagayan de Oro City. Lulan ako ng isang taksi kasama ang dating boss sa opisina at naghahanap kami ng restoran na makakainan. Pareho kaming Filipino ng aking boss ngunit siya ay tubong Mindanao, sa Butuan, at ako naman ay mula sa Maynila. Isa ito sa mga unang adlaw ng mga pagdalaw ko sa Mindanao dahil sa trabaho sa isang non-government organization. Malalim na ang gabi nang dumating kami sa siyudad na kung tawagin nila ay ‘City of Golden Friendships’; pero kilala rin ito sa aming mga Muslim, lalo na sa mga kapatid na Moro, na siyudad na may mga malls at pribadong subdibisyon na tumatanggi sa mga Muslim na mangangalakal at pamilyang naghahanap ng mapagtatayuan ng kanilang tahanan na malapit sana sa trabaho at sa mga pangunahing transportasyon sa Hilagang Mindanao. Iniisip ko noon sa kung paano napasok ang “A good Moro is a dead Moro” sa aming usapan gayong pinag-uusapan naman namin ay ang manpower plan para sa isang site namin sa Lanao del Norte. Ngayon naiisip ko na ipinosisyon ko kasi noon na magdagdag pa ng isang Meranao na volunteer sa opisina kaya magalang akong sinagot ng “A good Moro is a dead Moro” bilang pagtanggi sa aking proposal.

Hindi lang sa ganoon nagtapos ang aming kumbersasyon. Nagpatuloy siya sa pagkukuwento sa akin, na isang Manileñong salta sa Mindanao, tungkol sa mga Moro sa “A good Moro is a dead Moro”. Ilang taon na ang nakalilipas, pagpapatuloy ng aking boss habang nakangisi, sa Davao City may isang Muslim na nabaril at napatay ng kapwa Muslim. Dahil sa ang Muslim ‘pag namatay, ika niya, kailangan na mailibing within 24 hours, kinailangang madala ang bangkay sa sarili nilang munisipyo sa Cotabato kaya dali-dali itong isinakay ng mga kasama niya sa likod ng taksi. Ikinukuwento sa akin ang mga eksena sa paraan kung paano mo ikukuwento ang napanood na pelikula ni Rene Requiestas sa isang tagayan ng gin at pomelo: isang mahabang eksena ng slapstick comedy. Dali-daling pinatakbo ang kotse para maihabol sa libingan ang napatay na Moro. Kaso ang problema, pagpapatuloy ng boss, may checkpoint ng mga military bago ka makalabas ng Davao City—tahimik at modern na city daw kasi ang Davao City at tiyak na kukuwestiyunin ng awtoridad kung bakit may pinatay na Moro sa loob ng taksi (huli na nang malaman ko na ang ibig sabihin pala niya ng ‘tahimik at modern’ ay: sinampal daw minsan ng mayor ang taksi driver na tumanggi na isakay ang isang matandang babae, walang midya na bumabatikos sa mayor lalo na ang mga komentarista sa radyo ‘takot lang nila,’ ika nga ng boss ko, at pinapaslang ng hindi mapangalanang mga bala ang mga magnanakaw ng mobile phones, petty criminals, drug pushers sa siyudad na iyon.) Kaya nang maisip ng mga kasamang Moro ang checkpoint nataranta sila. Kailangan magawan ng paraan na hindi makita sa checkpoint na may dala silang bangkay. Sa taranta, inihimpil nila ang taksi sa gilid ng daan at nag-isip ng paraan kung paano ba malalagpasan ang checkpoint na hindi nahuhuli ng mga military. Wala silang dala kahit na ano. At naisip ng isa, nakatawang kuwento ng boss ko, ang bumili ng maraming rolyo ng tisyu. Ibinalot nila ang bangkay sa tisyu at isinulod sa compartment ng kotse, parang mummy. At natawa ang boss ko sa eksena na hindi na niya natapos ang kuwento kung naitawid ba o hindi ang bangkay sa checkpoint.

Ngayon ilang taon na ang nakalilipas nananatili pa rin sa akin ang karanasan na iyon sa loob ng taksi sa Cagayan de Oro City. Bilang isang manunulat ang “A good Moro is a dead Moro” ay hindi lamang basta isang biro ng mga Filipino sa kanilang mga pribadong kumbersasyon tungkol sa mga Moro; hindi lang ito mga salitang magdaragdag ng sigla sa nasyunalismo na nagsasaad na ang bansa ay binubuo ng Luzon, Visayas at Mindanao at tayo ay ‘iisa’ bilang lipi. Ito ay isang naratibo: isang malupit na kuwento ng mga Filipino sa mga Moro.

Nitong Nobyembre isang karumal-dumal na pangyayari ang naganap sa Ampatuan, Maguindanao. Sa pagitan ng dalawang makapangyarihang pamilya, na nasa isang tunggalian sa kapangyarihan, ang mga midya, mga abogado, pulitiko at kamag-anak ng kabilang pamilya, at mga babaeng Muslim. Karumal-dumal dahil isa itong masaker—isang madugong pagkatay sa mga tao na naganap na tirik ang araw, sa gilid ng pangunahing daan ng probinsiya, at isinakatupan ng hindi bababa sa isang daang armadong kalalakihan. Mabilis na nakarating ang balita sa Maynila at sa iba’t ibang bahagi ng bansa; nakarating din ito sa iba’t ibang bansa at sa mga pormal na samahan sa ibayong dagat partikular na sa mga samahan ng mga kasapi ng midya dahil ito na ang isang insidente na napakaraming napatay na mamamahayag bagaman nangunguna na sa talaan ang Pilipinas na isang berdugo ng midya sa buong mundo bago pa man ito naganap.

Nang makarating sa akin ang balita noong gabing iyon ang unang pumasok sa akin ay ang karanasan ko sa Cagayan de Oro City. Nanlumo ako dahil nakita kong muli ang naratibong ito sa aking lipunan. Isinara ko ang aking daigdig panandalian at pinag-isipan kung sa paanong paraan ko ba uukilkilin ang aking sarili para maunawaan ang nangyari, para magpatawad, magtapon ng sisi, at pag-isipan ko ang mga pinanghahawakang mga paniniwala at moralidad.

Makalipas ang isang linggo idineklara ang Martial Law sa Maguindanao. Hinuli ang ilang kasapi ng angkan ng mga Ampatuan. Sa mga sumunod pang mga araw bumulaga sa sambayanan ang higit pa sa labis na kayamanan at karangyaan ng Ampatuan gayong naghihirap ang mas nakararaming Moro sa Maguindanao; isa-isang lumabas sa midya ang mga anekdota ng kanilang karahasan sa kanilang nasasakupan at mga paglabag sa mga karapatang pantao; ang mga nalikom nilang libo-libong de-kalibreng armas pandigma na may tatak pang ‘DND’—Department of National Defense ng gubyerno.

Nag-fiesta sa Facebook, sa mga blog, sa forwarded emails, sa mga pabalat ng mga diyaryo ang mga larawan ng kalunus-lunos na sinapit ng mga bangkay ng mga nasawi. Ginahasa ang mga babae at pinag-laruan ng kung anong matigas na bagay—titi, pirasong sanga marahil ng puno, matalim na kutsilyo, dulo ng armalite —ang kanilang mga puke, binaril nang malapitan sa mukha ang mga lalaki, walang pinatawad pati buntis at matatanda. Ang mga imahen na ito ang nagsilbing talinghaga sa isang uri ng karahasan na hindi mabibigyan ng pinakasaktong mga salita sa bokabularyo ng modernong pananalita.

Mula sa pangyayaring ito nagalit ang sambayanan, nagluksa ang mga nakikisimpatya, may iba na nagmaktol dahil kahihiyan daw ito ng mga Filipino sa buong mundo at hindi pa man natatapos ang pagtamasa ng sambayan sa pagkapanalo ng isang boksingero at ng isang guro na pinarangalan ng mga Amerikano dahil sa pagsusumikap nitong dalhin ang edukasyon sa mga mahihirap na kabataan sa kanilang lugar.

Lumabas ang isang katotohanan at nakabandera pa ito sa mga pahayagan at mga editoryal: inaruga ng gubyerno ang mga Ampatuan at binigyan sila ng kakayanan na magkaroon ng pribadong sandatahan laban sa Moro Islamic Liberation Front. Paumanhin kay Mary Shelley ngunit ‘Frankenstein monster’ ng gubyerno ang Ampatuan. Sa katotohanang ito, en vogue sa kasalukuyan ang magtapon ng sisi at galit sa mga Ampatuan—ang lahat ng galit, poot at sumpa ay patungo sa kanila. Na habang nagagalit ka sa kanila, itong galit, itong takot, itong pagluluksa mas napapaigting ang ‘pagiging Filipino.’ Walang nagtapon ng tanong sa madla: Moral ba ang ginawa at patuloy na ginagawa ng sambayanang ito na nagluluksa at nangangalit na arugain at kanlungin ang mga elitistang Moro, na walang ibang interes kundi ang interes ng kanilang mga pamilya at yaman?

Nais ngayon ng sambayanan ang ulo ng Ampatuan—“A good Moro is a dead Moro”: ito ngayon ang lohika ng naratibo ng mga Filipino sa mga Moro.

Tiyak ako sa sarili na matagal ko nang tinanggap na ‘national pastime’ na sa bansang ito ang pumatay ng mga Moro, sumusunod lang ito sa putilika, showbiz, at boksing. Kapag sinabi kong ‘pumatay’ hindi ibig sabihin nagtatapon ako ng sisi sa mga Filipino o sa Moro na pumapatay ng kapwa niya: isang uri na ng aliwan sa bansang ito ang may ‘patay’ na Moro—sa publikong mga aliwan man o sa mga pribadong kumbersasyon. Ang ‘pagpatay’ na ito ay hindi lang sa pisikal, moral. Sa pagpatay na ito kinikitil hindi lamang ang nakaraan, kasalukuyan, at ang mga darating pang panahon sa buhay ng isang Moro: sa kamatayang ito hindi lamang ang pisikal na katawan ang ibinabaon sa lupa kundi ang lahat-lahat ng mga posibilidad na maari sanang itapon ng isang Moro sa daigdig. Ang posibilidad na isakatuparan ang kanyang mga pangarap at panaginip, ang posibilidad ng isang gubyerno na kakatawan sa sarili niyang mithiin, ang posibilidad ng kaniyang Sarili, ng kaniyang naratibo.

Ang aliwan ay hindi lamang magtutulak ng saya o tawanan sa mga manonood tulad ng lipas nang past time ng sambayanan, ang mga Moro-Moro. Pundamental sa naratibo ng “A good Moro is a dead Moro” ang pagpapa-igting ng damdaming nasyunalismo, kaya ito moral, kaya ito institusyunal: na mali ang kanilang ipinaglalaban dahil maging sila hindi nila kayang pamahalaan ang kanilang mga sarili at kailangan nila ng mga Filipino, at kung iiwanan mo sa kanila ang lupa na ipinaglalaban nila, magpapatayan sila sa isa’t isa.

Naalala ko ngayon ang isa pang naratibo na moral at institusyunal sa Lanao del Norte, ang naratibo ng ‘peace and order’ (na tinatawag kong ‘Naratibo ng Lanao del Norte’ na siyang tema ng aking mga dula patungkol sa nasabing lugar.) Sa Lanao del Norte, kapag sinabi sa iyo na isang estranghero sa lugar na, “Huwag kang mag-alala, may ‘peace and order’ dito”—ang ibig sabihin nito sa ibabaw ang kawalan ng kaguluhan o encounter sa lugar, ngunit kung huhukayin mong maigi ang ibig na ipahiwatig ng mga salitang ito, “walang mga Meranao dito sa amin”. May sariling lohika at moralidad ang naratibo ng ‘peace and order’ at isa itong malupit na institusyon para sa mga Meranao sa bahaging ito ng Ranaw: ito ang argumento ng lantarang marginalisasyon at diskriminasyon ng mga Meranao sa bahaging ito ng daigdig, ito rin ang pundasyon ng lahat ng mga aliwan at palabas patungkol sa mga Meranao na napapanood natin sa mga tanghalan sa iba’t ibang bahagi ng bansa at nababasa sa mga babasahin mula sa Iligan: kaya ang sinumang Meranao na pumalag, o magsalita sa kalunos-lunos niyang sitwasyon, hindi lang siya kalaban ng gubyerno, ng ‘peace and order’, pati nitong kanilang singkil at ng Darangen.

Sino ngayon ang matapang na kakalaban sa ‘peace and order’ na ito? Siyempre silang mga ‘imoral’ sa lipunan; silang mga ‘rebelde’ kung ituring ng gubyerno at sambayanan—kaya sa aking dula isang puta na lumulunok ng tamod ang pinagkuwento ko ng Tacub Massacre.

Tatlumpu’t walong taon at isang araw na ang nakalilipas, mula sa araw nang maganap ang Ampatuan Massacre nitong Nobyembre, isang katulad na massacre din ang naganap sa Mindanao. Panahon ng eleksiyon at nagtutunggalian din ang mga makakapangyarihang paksiyon sa Lanao del Norte. Nagkaroon ng isang ispesyal na botohan dahil may naganap na encounter sa Magsaysay noong isang buwan, na isa ring masaker. Mahigit-kumulang walumpung mga lalaking Meranao ang sakay ng sasakyan para sa eleksiyon sa probinsiya, pero ang sabi sa opisyal na talaan, apatnapu lamang. Hinarang ang sasakyan sa ‘checkpoint’ sa isang bahagi ng Kauswagan. Walang naisulat na mga detalye sa masaker na ito ni hindi ko ito nahanap sa mga history books ko sa mga unibersidad na aking napasukan. Maging ang mga matatandang sundalo na kinausap ko, “classified” ang sagot sa akin; hindi rin basta magkukuwento ang mga matatandang Moro dahil sampal ito sa maratabat dahil hindi nila naipagtanggol ang mga inosenteng Meranao. Sa mga ganitong sitwasyon na may naratibong pinatatahimik, babalikan ko ang isang katotohanan sa aking lipunan: Isang bagay na mayroon ako na ipinagkait sa isang Moro ngunit hindi ko ito maaaring ipagmayabang habang nakatingin ako ng diretso sa kanilang mga mata, mayroon akong kalayaan na itapon sa daigdig ang aking mga posibilidad, may kayayanan akong habiin ang sarili kong naratibo—kaya sinikap kong buuin ang nangyari sa Kauswagan:

Isa-isa silang pinababa ng sasakyan sa harap ng checkpoint. Marami sila—mga lalaki, binata, may-asawa, matanda na mga Meranao. Ang iba sa kanila pinadapa, ang mga mukha nakasayad sa magaspang na lupa ng Kauswagan. Ang iba, nakatayo. At bigla, sunod-sunod na mga putok ang pumatay sa katahimikan; umalimbukay ang mga usok mula sa mga pulbura at tingga na mabilis na bumabaon sa mga katawan. Nagtatalsikan ang mga kapirasong laman sa hangin. At nang matapos ang putukan, tumambad ang mga nakatiwangwang na mga basyo ng buhay, hindi mabilang pero ang sabi sa mga bulong-bulungan higit sa walumpu na mga Meranao—may nakadapa, nakaluhod at iyong aktong tatakbo para sa kanyang buhay, may isang matanda na buhay pa, humihinga at nagsusumamo ng tulong. At pagkatapos, naglabasan ang mga salarin, silang may mga bendang puti sa ulo. Hindi mo masabi kung sino na sa kanila ang Ilaga o kung sino sa kanila ang sundalo ng gubyerno. Isa lang ang katotohanan: sila ang katuwang ng gubyerno, sila ang susukat sa tapang kung ang tapang ay ang makapatay ng Moro.
“Tacub Massacre,” Ika-22 ng Nobyembre, 1971, Kauswagan, Pat a Pangampong ko Ranaw—“A good Moro is a dead Moro.”

Ang naganap na krimen sa Ampatuan, Maguindanao at ang pampublikong fiesta ng galit, suklam, at pagdadalamti ay isang banal na proseso para sa sambayanang Filipino. Isa itong paraan ng paglilinis ng sarili sa mga dugo sa ating mga kamay, dugo ng mga Moro na tumitingkad sa dilim. At ang prosesong ito, sa pinakamalalim na bahagi ng ating mga loob, na nakapanghihilakbot dahil kaya nating itanggi kahit sa ating mga sarili, ang katotohanan na naaliw tayo, na mas lalo nating nauunawaan ang ating mga pagkatao, na mas lalo nating nakikita ang ating bansa: ito ang naratibo ng mga Filipino sa mga Moro.

Sa bandang huli, naisip ko na walang sinuman sa bansang ito ang may karapatan na magdalamhati at mag-alay kahit na ga-patak na luha maliban sa pamilya ng mga nasawi. Ngayon, higit kailanman, ang magdalamhati ay isang paglalantad ng impokrisiya—sa publiko at sa pribadong buhay man. Tulad ng pag-ibig, ang dalamhati ay isang damdamin na hindi para sa lahat—para lang ito sa karapat-dapat.

ANG NARATIBO AY para lamang sa taong may kalayaan, iyong may kakayanang itapon sa daigdig ang kanyang mga posibilidad. Banal ang mga kuwento sapagkat luklukan ito ng lahat ng mga posibilidad ng nagkukuwento at ng kanyang mga mambabasa. Wala nito ang mga Moro sa kasalukuyan; ang wika at imahen ng kanilang mga buhay ay hindi sa kanila. Ang pag-aaway ng dalawang angkan para sa mga posisyon sa gubyerno na inilatag ng mga Filipino, ang mga babaeng Muslim na ginahasa at pinatay ng kapwa ‘Muslim’, ang mga inosenteng mamamahayag at mga mamamayan na nadamay sa gulo, ang labis na karangyaan ng iilang pamilya habang ang mas nakararaming Moro ay naghihirap, ang karahasan—ang lahat ng ito ay bahagi ng eksposisyon ng isang saliwang naratibo.

Saliwa ang naratibo na ito sapagkat hindi pa ito isang kuwento. Ang kuwento ay ang tunggalian ng dalawa o higit pang mga naratibo na nauuwi sa iisang katapusan. Ang bawat naratibo ay may kanya-kanyang mga bahagi hanggang sa marating nito ang rurok o ang climax. Ang bawat bahagi ng naratibo ay kailangan na buhay tulad ng isang batis na patuloy ang pag-agos. Ang lahat ng katawang-tubig kapag nahimpil ang pag-daloy kaagad itong namamaho, nagiging pusali. Walang kuwento sa daigdig ang hindi nagtatapos sa sangkatauhan. Ito ang halaga ng mga kuwento sa atin bilang mga tao, ito ang halaga ng kuwento bilang isang Sining.

Ang Bangsa Moro ang isa pang naratibo sa kuwento. Dumadaloy ito kahanay ng naratibo ng mga Filipino sa mga Moro. Ang naratibo ng Bangsa Moro ay nagsimula ilang siglo na ang nakararaan bago pa man maging Filipino ang mga Filipino, bago pa man makuha ng mga Filipino ang sarili nilang naratibo. Ang Bangsa Moro ay isang mahabang pakikipagtunggali upang makamit ang isang uri ng katapusan sa kuwento: at ito ang trahedya ng naratibong ito: hindi nito maturol, maaaring sa kasalukuyan lamang, ang katapusan na nais nito para sa kanyang kuwento.

Ang Bangsa Moro ay isang lehitimong naratibo tulad ng naratibo ng mga Filipino sa mga Moro dahil sigurado ito sa dalawang bagay: una, ang kalayaan ng tao at magkaroon ng kakayanan ang mga Moro na itapon ang kanilang mga posibilidad sa daigdig bilang mga tao, bilang mga Muslim at ikalawa, ang makuha nilang muli ang kanilang kasaysaysan, ang kasalukuyan, at ang hinahanarap na kinamkam na ng naratibo ng mga Filipino sa mga Moro.

Ang Bangsa Moro struggle ang pinakadakilang kritisismo na laban sa mga naratibo ng pagmamalabis at karahasan ng Nasyunalismong Filipino.

Mahalaga na maunawaan sa kasalukyan, ng mga Filipino at ng mga Moro, ang tunggalian ng dalawang naratibo na ito upang obhetibong matimbang ang naganap sa Ampatuan, Maguindanao. Ang masaker na ito, bilang panimula, ay hindi naratibo ng Bangsa Moro. Bahagi ito ng isang dambuhalang kuwento ng mga Filipino sa mga Moro upang marating ang isang katapusan: ang pagiging Filipino ng Pilipinas.

Ang lantarang hypocrisy ng sambayanan—ang pampublikong galit, suklam, pagdadalamhati—ay bahagi lamang ng naratibo ng mga Filipino sa mga Moro, isa itong device upang mapanatili ang tono at boses ng naratibo sa kuwento: na kadiliman at kaguluhan ang naratibo ng Bangsa Moro.

Consistency sa tono at boses ang estratehiya ng naratibo ng mga Filipino sa mga Moro. At kailangang mapanatili ang hypocrisy na ito upang marating ng naratibo ang katapusan ng kuwento. Ngunit isang patibong kung iaangkla ang kagandahan ng isang kuwento sa consistency ng tono at boses lamang. Tumatabang ang interes ng mambabasa sa isang kuwento na may extended na conflict. Ang kuwento na mayroong hindi natural na haba ng tunggalian ay hindi kuwento, isa itong labis na pagsasayang ng mga kaganapan at eksena na walang ibang mithiin kundi ang ikubli ang mga katotohanan. At sa pagkukubli ng mga katotohanang ito, may mga iilang nakikinabang—silang may hawak sa daloy ng naratibo—sa Pilipinas, ang mga mayayamang pamilya, silang oligarkiya, silang mga modernong principalia, sa mga salita ng manunulat na si Dante Simbulan.

Isang bukas na lihim sa madla na malaki ang utang na loob ng kasalukuyang pangulo sa mga Ampatuan. Malaki rin ang mga utang loob ng mga senador na kaalyado ng pangulo sa kanilang mga posisyon sa kasalukuyan. Ang naratibo ng mga Filipino sa mga Moro ay tulad sa kung paano pinatatakbo ang bansang ito simula’t sapul ng Malolos Congress: pinatatakbo ng mga apelyido. Ang katapusan na ninanais ng naratibo na ito at ang kasalukuyang paghimpil ng takbo ng mga pangyayari bilang extended conflict ay naglalayon ng isang bagay: ang mapanatili ang kanilang mga kapangyarihan at manaig ang katapusan na ninanais nila sa mga tao, sa atin: ang pagiging Filipino ng Pilipinas, na sila lamang palagi ang makikinabang.

Nasaan na ngayon ang naratibo ng Bangsa Moro?

Mayroon na akong palaging iisang tugon bilang panimula sa tuwing may magtatanong sa akin kung ano nga ba ang Bangsa Moro sa akin bilang isang Filipino. Malimit kong natatanggap ang tanong na ito lalo na pagkatapos ng mga palabas ng aking mga dula. Lagi kong sinisimulan ang aking sagot sa, “Bagaman may iisa kaming relihiyon at paniniwala hindi ako Moro—isa akong Filipino”. Nais ko ring kilalanin sa aking sarili na Filipino ako na mangungusap ng Bangsa Moro sa aking mga dula at kuwento; na klaro sa akin na ang aking naratibo ay hindi ang naratibo ng Bangsa Moro.

Sa pagkukuwento, mahalaga ang pagtitiwala. Marapat na may sapat na tiwala sa naratibo na nais isakatuparan para maging isang ganap na kuwento. May pagtitiwala ako na sa kung anuman ang magpapalaya sa mga Moro, sa nais na makamit na kuwento ng Bangsa Moro, ay siya ring magpapalaya sa akin bilang isang tao. Na ang naratibo ng Bangsa Moro sa akin ay isang mahabang pakikipagtunggali upang makamit ang Sarili, ang kalayaan, at ang nakaraan—at sa mga Moro, lalo na, ang kanilang kinabukasan at mga posibilidad. Bagaman hindi ito sa akin, at hindi ko ito naratibo, marami itong sinasabi sa aking pagkatao at sa lipunan na aking ginagalawan.

Ang hindi ko maturol sa kasalukuyan ay ano na nga ba ang naratibo ng Bangsa Moro. Mahirap ang sitwasyon nito sapagkat nakikipagtunggali pa ito sa kanyang kalayaan. Ang kalayaan at pagkukuwento ay parang magkalingkis na buhay, hindi mo maaaring mapanatili ang isa kung wala ang isa. Kaya ang naratibong ito sa kasalukuyan ay tinatawag na ‘struggle’.
Dalawa ang bagay na nakikita ko: sa ‘struggle’ na ito, una, ninanais na makamtan ang sariling boses at tono sa naratibo na nilalamon na ng makapangyarihang boses at tono ng naratibo ng mga Filipino sa mga Moro, at ikalawa, ang hindi maturol-turol na katapusan ng kuwento na ninanais ng Bangsa Moro. Dito nakalamang ang naratibo ng mga Filipino sa mga Moro sa pagpapahaba ng conflict: napananatili ng naratibong ito ang hypocrisy bilang boses at tono – at sadyang nakapa-makapangyarihang estratehiya; at alam ng naratibong ito ang katapusan na nais niya sa kuwento.

Ang nangyari sa Ampatuan, sa Maguindanao ay isang pagpapatunay lamang na nananaig na ang naratibo ng mga Filipino sa mga Moro at patuloy na nababansot ang naratibo ng Bangsa Moro; at ang pananaig na ito ang siyang moralidad nitong naratibo. At kung tatanungin mo ako kung ‘guilty’ nga ba si Ampatuan—tanong din ang sagot ko: sa kaninong naratibo?

Nailathala na ang sanaysay na ito sa High Chair Poetry Magazine noong 2010.

Advertisements

Written by Rogelio Braga

Playwright, fictionist, and essayist Rogelio Braga is from Manila. He is a member of the Young Moro Professional Networks, Inc (YMPN) and co-convenes the Moro Culture, History, and Arts of the organization.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: