Matapos ng 25 Taon: Ang Contracting Colonialism ni Vicente L. Rafael at ang Pagkakasalin/Pagkakahawa ng “Gahum” ng Wikang Tagalog

Malimit na sa mga diskusyon ang paghahambing ng mga kolonyal na kasaysayan at pagdanas ng Moro at Filipino. Sa diskurso ng Moroismo, mahalaga at makatutulong din sa pagsulong ng usapin ng postkolonyal na pagdanas ng mga Moro ang maunawaan ang proseso, negosasyon at kasaysayan ng mga Tagalog sa kolonyalismo. Saan ba nagkapareho ang Moro at Filipino? Paano nagkaiba? Mayroon bang makahalintulad sa pagitan ng kolonisasyong Kastila-Filipino at Filipino-Moro? Kaya minabuti ng Moroism.org na ilathala ang rebyu/pagbasa ng makatang Filipino na si Louie Jon A. Sanchez sa aklat ni Vicente L. Rafael para sa mas ibayo pang diskusyon. – 

Ni Louie Jon A. Sanchez

Contracting Colonialism ni Vicente Rafael (Ateneo Press)
Contracting Colonialism ni Vicente Rafael (Ateneo Press)

BAGAMAN HINDI TUWIRAN ang ugnayan, minamabuti kong simulan ang talakay na ito sa pagtaya sa lagay ng Wikang Filipino ngayon: mag-iisang taon nang nakaupo ang Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan Virgilio S. Almario bilang tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), at nakapagpatupad na ng di iilang programa upang maging totoo sa mandato ng komisyon na payabungin pa ang wikang pambansa. Samantalang maraming tagapagmasid ang nasiyahan sa tila ba pagkabuhay na muli ng wika sa ilalim ng bagong pamumuno ni Almario, at ng mga komisyoner na pawang manunulat, lingwista, at mga manggagawang pangkultura—tila matagal-tagal ding tahimik ito’t mistulang napag-uusapan at napahahalagahan lamang tuwing Buwan ng Wika kapag Agosto—naging tampulan din ito ng kritisismo, lalo na dahil sa bagong ortograpiya nito na nagpanukalang gamitin na ang malaon nang ginagamit ni Almario na pagpangalan sa bansa—ang “Filipinas”. Masasabing isa ito sa naging pambansang isyu ngayong taong 2013 sapagkat malawakan ang naging talakayan at pagtatalo sa lahat ng mga midya. Ngunit ilang mahahalagang bagay ang nilinaw sa pagpapanukala ng pagpapalit-ngalang ito na masasabing tugon sa mga paratang na “Tagalista”: para kina Almario, hindi lamang ito “pagbabalik” at “reklamasyon” ng kasaysayan—sapagkat ano nga ba ang “Filipinas” kundi unang pagpapangalan sa lupalop na ito ng mga mananakop na Kastila. Anila, sa una’t katapusan, pagyakap ang pihit-salita na ito sa mga wikang rehiyonal na malaong naisantabi ng maka-Tagalog na “Pilipinas” ng abakada. Naging tampok na halimbawa ang mga wikang may “f” sa kanilang mga alpabeto, tulad ng Ifugao. Samantalang walang naging malinaw resolusyon ang mga debate, at dahil hinihingi ang lehislasyon upang tuluyan itong maipalaganap—na iniisip ng ilan na isa na namang institusyonal at pang-wikang na pagpilit, kung paniniwalaan ang mga naunang paglalarawan ni Benedict Anderson sa kasaysayan ng ating wika at ang kinalaman nito sa ating bansa—naiwan ang pagpili kung gagamitin ito o hindi sa mga intelektwal sa akademya at mayhawak ng popular na midya. Nananatili ang pagtuligsa at pagtatanggol, ngunit ginising ng bagong pamunuan, at ng mga isyung naidulot ng kanilang mga programa, ang malaon nang usapin ng “Tagalismo” at ang “imperyal” nitong puwersa sa bansa. “Malaon” na ito sapagkat isang matandang isyu, na nakapagtulak na nga ng isang paliwanag na pangkasaysayan mula mismo kay Almario sa kaniyang aklat na Muling Pagkatha sa Ating Bansa. Sa isang banda, hindi kataka-taka para sa isang institusyong pangwika na nasa sentro ng kapangyarihan sa Filipinas ang maratnan ng ganitong unos ng batikos na tulad ng sa KWF ngayong taon—marahil ay pagpapakita lamang ito ng katangiang arkipelahiko na sa simula ay lumalaban sa anumang tangkang panlalagom. Sa kabilang banda, kailangan ang ganitong mga paglalagom na may kakayahang makapagsuri ng sarili: tandaang pinapaslang mismo ng pagtatanggol ng KWF ang mismong “sakit” ng Tagalismo sa paggigiit na isang mahalagang proyekto ang paggamit ng “Filipinas”, isang pangangailangan upang sa mismong larang at lawas ng wika unti-unting mailahad ang isang pagkakaisang kinatha noon pa man ng mga bayani, at patuloy na kinakatha ng mga gumagamit ng wika magpasahanggang ngayon. Kung tutuusin, ang pangyayaring “Filipinas” ay sinekdoke lamang ng nagpapatuloy na ortograpikong proyekto na bigyang lawas ang libo’t pulo-pulong wika ng bansa, isang manipestasyon ng “linguistic nationalization” na binabanggit ni Anderson, na isang phenomenon sa Timog Silangang Asya. Samantalang kumbinsido si Anderson na sa kasaysayan, ang Tagalog ay “imposed by coercion, with mixed results,” hindi maitatangging ang mismong kritikal na pagtingin sa Tagalog ng bagong pamunuan ng KWF ang naglantad, muli at muli, sa mga kakulangan o kahinaan ng Tagalog bilang pangunahing salsalayan ng pag-unlad ng wikang pambansa, at sa pangangailangan na patatagin ito bilang corpus ng wikang pambansa sa pamamagitan ng pagpapapasok sa diskurso ng mga wika mula sa mga rehiyon.

Sa kasalukuyang kontekstong ito ko nais pasukin ang isang mahalagang aklat na nagdiwang kamakailan ng ika-25 taon ng pagkakalimbag, ang Contracting Colonialism: Translation and Christian Conversion in Tagalog Society Under Early Spanish Rule ni Vicente L. Rafael. Sa limbag nitong 2011, nakakintal pa rin ang mahalagang ambag nito sa pag-unawa ng pagsasalin, at sa naging gampanin ng pagsasalin sa kolonisasyon ng bansa. “Absolutely must reading” ito para kay Nick Joaquin, na sa kaniyang blurb sa aklat ay inilarawan itong “(e)pochal itself… an intelligent, complex and sophisticated analysis of the [colonial] records.” Si Reynaldo Ileto naman, na sa aking diskusyon ay makikitang binabalikan ni Rafael sa kaniyang talakay, ay nagsabing “(t)his is a remarkable book… It revolutionizes our thinking about a crucial period in Philippine history: the “beginnings” of Philippine history, in fact. It forces us to rethink later periods as well.” Pawang mga bigatin sa larang ng aralin at panitikang Filipino na may mabibigat na salita para sa aklat. May iba pang nagpapatunay sa galing ng aklat tulad nina Phil Parnell, Thomas BF Cummins, at Jean-Paul G. Potet, ngunit higit na nakapupukaw sa pagkakataong ito ang pangunahing komentaryo ng dalawa, lalo na ang kay Ileto, na nagsasabing pinapag-isip tayong muli nitong aklat hinggil sa iba pang sumunod na yugto ng ating kasaysayan. Na totoo naman, sa palagay ko, lalo kung susumahin ang sistematikong paglalatag ni Rafael sa proseso ng kolonisasyon ng malay ng mga katutubo gamit ang pagsasalin. Sa pagsisimula at pagtatapos kay Rizal, ipinakita ni Rafael ang larawan ng danas ng mga katutubo habang sumasailalim sa isang pagkakahawa—na siyang buod ng danas, lalo na kung tititigan ang salitang contracting bilang denotatibong medikal na termino. Argumento ni Rafael ang pagkakahawa sa atin ng sakít na kolonyalismo sa kabuuan ng aklat, at binulatlat niya ang maraming dokumento, kabilang na ang mga katon, gabay sa pagdarasal, gabay sa pag-aaral ng wikang Espanyol, at mga pauna sa mga misyonero. Sa isang lipunang umiiral na may sariling panahon at espasyo, ang institusyon ng aklat at imprenta ang naging mahalagang kagamitan sa panghahawang ito ng pananakop at pagkakasakop. Basáng-basá ni Rafael ang nakamamangha at kung minsa’y kakatwang pagbulabog ng mga paring misyonero sa sistema ng pagpapakahulugan ng mga katutubo. Pangunahing talinghaga ang sakít, kung kaya’t umiiral sa aklat ang estropa ng pagpapanatili ng resistensiya ng katutubong katawan laban sa mga pumapasok na nakapanghihinang elemento ng bagong pagpapakahulugan. Mula sa katutubong paganismo, itinindig sa malay ng mga tao ang estruktura at pagpapakahulugan ng Katolisismo, na nakasalalay sa hirarkiko’t vertical na kaunawaan. Sa pagbabasa ni Rafael sa mga pauna tulad ng mga diksiyonaryo at gramatika, namalas niya ang lubhang pagsusumikap ng mga misyonero na bigyan ng bago’t binyagang anyo ang palakahulugan ng mga katutubo. Minaliit din nila ang wika at kakayahang lingwistika ng mga katutubo hindi lamang sa sabi, kundi lalo na sa mismong pananakop dito habang binibigyan ng gramatikong anyo. Kaya animo’y unang nangyari ang pihit-wika (linguistic turn) sa Filipinas noong panahon ng pananakop. Sa pamamagitan ng dominasyon ng bernakular, na iniugnay ni Rafael sa makasaysayan at malawak na kamalayang pangwika noong mga panahong iyon na nakasandig sa dibinong minulan ng salita at kahulugan, matagumpay na naisagawa ang pagtatatag ng pananakop. Ikinintal ng mga misyonero ang mga lumang kahulugan sa bagong anyo ng letra Romano, samantalang tinatamnan na ng mga bago’t banyagang pakahulugan sa mga dati nang kabatiran, sa ngalan ng “kadalisayan”. Sa pagbura, halimbawa, sa baybayin na sinaunang pamamaraan ng pagsulat, at pagpapakilala ng mga Kristiyanong terminong nagsasalaman ng dominanteng balangkas (tulad ng mga halimbawa ni Rafael, Dios, Virgen, Espiritu Santo, Cruz, Doctrina Christiana), isinaayos ng mananakop ang pagpapailalim ng kamalayang katutubo sa superiyor na balangkas-pagpapakahulugan ng Espanyol. Malinaw na malinaw ang ganitong pagkakabatid kay Rafael, na matagumpay sa pagsuysoy sa ganitong argumento. Sa malaong pagtugaygay lamang sa kasaysayan bilang pag-unlad ng mga pangyayari batay sa motibasyon at ikinilos ng mga kasangkot, ibinabalik, muli at muli, ni Rafael ang usapin sa usapin, sa wika, na nagsasalaman ng lahat ng pakahulugan at salaysay. Ang binuo’t itinatag na ito ng mga mananakop, ang sakít na dumapo sa lawas ng ating katutubong kamalayan, ang siyang hinarap at sinalag natin sa pagpapatuloy ng kasaysayan. Kung kaya pagdating ng mga aklat na tulad ng Librong Pagaaralan nang manga Tagalog nang uicang Castila ni Tomas Pinpin, animo’y biglang natuto ang mga katutubo sa kung papaanong palalakasin ang sariling malay laban sa pagkakapailalim sa mapanakop na pagpapakahulugan.

Malaon nang sinasabing maraming nawawaglit sa pagsasalin, kung kaya sa konotatibong pakahulugan, ang pagkakasalin sa atin ng sakít ng kolonyalismo ay tila ba nakapagdala ng panibagong mga pamamaraan upang batahin ang dinaramdam. Sa pagsusuri ni Rafael ng mga gabay sa katesismo at mga manwal sa pagbibigay ng sakramento, nahiwatigan ang malaking kaibhan ng pakahulugang kolonyal at ng kabatiran dito ng katutubong malay. Sabi nga ni Rafael, “(t)he gap between response to and understanding Christianity, I suggest, has something to do with the way the Tagalogs were constrained to negotiate with and around the totalitarian economy of divine mercy.” Dagdag pa niya, “The Tagalogs’ notions of conversion and translation apparentlly diverged from those of the Spanish missionaries. In that case, we may assume that their ideas about exchange and hierarchy tended to differ as well from those that the Spaniards sought to impose on them.” Malaking bahagi ng aklat ang nagpatunay nito. Sa isang kabanata, tinalakay ni Rafael ang kung papaanong sa pamamagitan ng “sincopation” ay tinuruan ni Pinpin na makasabay ang mga kababayan sa tila ba nakabibiglang “atake” ng wikang Espanyol sa katutubong wika. Binasa rin ni Rafael ang “conversion” sa Ingles bilang makahulugang “pakikipagtawaran” sa pakahulugan, pagbibinyag at inisiyasiyon sa Kristiyanismo, at sa dakong huli, usapan ng dalawang magkabilang panig: ang mananakop at sakop. Binulatlat ni Rafael ang gabay sa kumpisal at iba pang aklat-panalagin upang ilahad ang tangkang linisin ang paganong katawan ng katutubo, at gawin itong suheto ng Simbahan at Kolonya. Sa kabuuan ng pagpapamalay sa katutubo sa katuruan ng Kristiyanismo, isang komplikadong transaksiyon ang naganap sa pagitan ng sakop at kolonyal na panginoon, at ng Panginoon at ng bagong mananampalataya. Sa isang banda, naging matagumpay ang mga misyonero at naitindig sa kamalayan ng mamamayan ang Krus. Ngunit hindi naman ganap na naunawaan talaga ang pakahulugan ng kolonya. At dito makikita ang tagumpay at pagkabigo ng pagsasalin bilang ahensiya ng pananakop: “Hence, while translation was linked to conversion and submission among both Spaniards and Tagalogs, the structure and effects of that connection tended to vary between the two. The result was a colonial order that seemed to be premised on a mutual misreading of each other’s intentions rather than on the unambiguous imposition of the ruler’s will over the ruled.” Mahalaga ang terminong misreading dito, na sa aking palagay ay buod ng operasyon ng pagpapakahulugan sa panahon ng kolonyalismo. Ito ang pangunahing pandiwa sa proseso ng pagsasalin, ang pangunahing pihit na ginagawa, kapwa ng mananakop—sa katauhan ng misyonero—at ng mga sakop na katutubo. Ang paliwanag ni Rafael ay higit kailanman, paliwanag hinggil sa kataliwasan sa pagbasang nangyari sa kapwa pagbasa ng isa’t isa sa isa’t isa. Ang aklat ni Rafael ay testamento sa kung papaanong nag-iiwasan, nagtatalaban, at naghuhulaan ang dalawang panig sa pakahulugang kanilang isinasaad sa larang at espasyo ng pananampalatayang Kristiyano. At hanggang sa pinakarurok ng kataliwasan sa pagbasa ng kahulugan, sa pagpapakilala sa bagong kahulugan ng Paraiso at Kamatayan, nagkaroon pa rin ng pagpihit ang pakahulugan tungo sa kaibhan ng pagbasa. Dito naging mahalaga ang ambag ni Rafael, lalo na sa pagpapalawak ng mga posibilidad na inihain ni Ileto sa kaniyang Pasyon and Revolution. Sa aklat ni Ileto, nailatag ang dakilang misreading ng Pasyon at iba pang Kristiyanong teksto upang isiwalat ang kung papaanong nakilalang muli ng mga indio ang kanilang katutubong loob, tungo sa pagtatanggol ng kanilang sarili laban sa mga nang-aapi. Sa aklat ni Rafael, inugat ang katutubong lunggating nagsilang sa misreading na ito, na malaon na palang kinakasangkapan ng mga tao upang ipagtanggol ang sariling malay laban sa mapanakop at mapaniil na hirarkikong kamalayang dala ng mga Espanyol. Ipinanasa ng kolonya sa mamamayan ang Paraiso at kamatayan, halimbawa, upang matutuhan at mayakap ang kaapihan bilang bahagi ng pagdalisay sa sarili habang inaantabayanan ang panahon ng pagharap sa dios at pagkakamit ng buhay na walang hanggan. Ngunit batid natin na hindi ganoon kaganap ang naging pakahulugan. Naging daan ang pakahulugang nabanggit upang muling kilalanin ng katutubo ang halaga ng pag-aalay ng buhay sa ngalan ng makabuluhang layon at pagliligtas ng kapwa. Nagkaroon din ng muling pag-unawa sa mga sinaunang pagpapahalaga na binaluktot ng konotatibong estruktura ng pananakop. Sa kaniyang aklat, itinanghal ni Rafael ang prosesong ito ng rebisyon sa katutubong pakahulugan ng Tagalog, na sa kasaysayan ay itinuring na may hawak ng pang-wikang gahum o hegemoniya, at naging mahalagang sangkap sa pagbuo ng isang pambansang wika.

Kaya nga nais kong pasukin pa ang aklat, matapos ng 25 taon, na pinupukulan ng matalik na pagbasa ang isa sa mga huling pahayag ni Rafael hinggil sa wikang Tagalog at ang naging pag-aanyo rito ng pagsasalin: “Conversion thereby translated Tagalog into a new language.” At sa isang banda, tama ito. Nakapagtatag ng bagong kaayusan at palakahulugang pangwika ang kolonyal na pagsasalin para sa Tagalog upang magamit itong wika ng pananakop. Mula sa sinauna’t arkipelahiko nitong katayuan—na isang wika sa marami pang pulo-pulong wikang ginagamit sa lupalop—naging lawas ito ng gahum samantalang patuloy na ginagamit ng mga tao. Sapagkat ang wikang ito’y gamitin sa sentro ng kapangyarihan, naging malaganap ito at ginamit upang makipagtalastasan. Wala pa tayong datos hanggang ngayon hinggil sa pagkamalaganap ng Tagalog bilang wika, ngunit imahinasyon hinggil sa kasaysayan ang nagtutulak sa aking isipin na malaki ang kinalaman ng pagkakagamit ng Tagalog sa kolonisasyon at Kristiyanismo sa pagkalat nito bilang wika ng bansa. Naipaaklat ito, sang-ayon nga sa pagsusuri ni Rafael, at marahil ay nagamit bilang paunang gabay upang lalo pang palaganapin ang pananakop. Wala pang nosyon ng wikang pambansa noon, at arkipelahiko rin ang naging tugon ng mga misyonero sa pangangalap ng mga kaluluwa—patunay riyan ang presensiya ng matatandang diksiyonaryo at balarila mula sa mga wika sa rehiyon. Interesanteng tanong ngayon, matapos ng 25 taon ng aklat ni Rafael ang: ito rin kayang ahensiya ng pagsasalin ang nakahawa sa Tagalog ng mapanakop at hegemonikong katangian? May hinala akong malaking bahagi ng tila ba vertical din at hirarkikong pagtanggap at pagtingin sa Tagalog bilang malaganap na wika sa bansa ay dulot ng estrukturang kolonyal na ibinunyag at ipinaliwanag ni Rafael sa kaniyang aklat. At lalo itong pinaigting ng reduccion na tumipon sa mga bayan-bayan at nagtatag ng sentralisadong pamamahala. Tinalakay din ni Rafael ang reduccion at kamalayang pueblo bilang salalayan sa espasyo ng pananakop. At dahil nga nasa sentro ang Tagalog—at lalo pang kuminang ito nang pamunuan ng mga Tagalog ang rebolusyon (dahil nga malapit sila sa mga muog ng sentro at may kakayahang heograpiko na tupdin ang pakikipaglaban)—naipagitna ang wika at ang mga nagsasalita nito sa tanghalan ng kasaysayan. Munakala ko lamang ito, bagaman tiyak na noon pa man, nakikipagtalastasan na ang mamamayan sa isa’t isa gamit ang mga wika nila—o mga wikang gamitin. Bandang 1930s, sa paliwanag ni Almario hinggil sa kasaysayan ng Pambansang Wika, nang naghahanda na ang bayan na balangkasin ang wikang palalaganapin sa bansa, malinaw nang gamitin ang Tagalog. Sa mga diskusyon ng mga kinatawan sa lupon ng pagbalangkas sa Pambansang Wika, naipagtanggol kahit ng mga hindi-Tagalog ang Tagalog bilang karapat-dapat na wikang maging salalayan ang wikang pangmadla. Marahil ay talaga ngang dulot din ng kasaysayan ang pag-angat ng Tagalog sa pambansang larang ng talastasan. Ngunit sa aklat ni Rafael, pinababalikan sa atin ang isang yugto ng kasaysayan na tinanggap ng Tagalog ang mga buktot at mapaniil na pakahulugan, at kung papaano nito nilabanan ang ganoong pagpapahina sa lawas ng wika at malay. Nasa estado ng balintuna ang wikang Tagalog sa mula’t mula, at sa isang banda, hindi lamang dapat matapos ang usapin sa pagsumpa rito bilang imperyal at makasentro. Tandaan natin na sa isang banda, dumaan din ang mga pangunahing wika ng bansa sa ganoong pagkakahawa. Masdan na lamang natin halimbawa ang mga Kristiyanisadong rehiyon tulad ng Visayas, at ilang panig ng Mindanao. Ang Bikol lamang ay totoong Kristiyanisado at kolonisado, at nakatala marahil ang “pagkahawa” nito sa mga kolonyal nitong diksiyonaryo, balarila, at mga katon na hindi pa gaanong nabubulatlat ang proseso ng “pagkakasalin”. Lahat ng wika naman ay may kakulangan sa pagpapahayag ng mga bagay-bagay, at sa tingin ko, lahat din ng pagsasalin ay pagsasalin ng mabubuti’t masasamang pakahulugan. Sa muling pagbabalik-tingin sa wikang Tagalog bilang hirarkiko’t sentristiko, ipinagugunita ng Contracting Colonialism ni Rafael na sa kontekstong arkipelahiko, tulad ng sa Filipinas, sari-saring pagbubulatlat pa ang kailangang tupdin upang higit na madeskolonisa ang bayan tungo sa mas malalim at malawak na pagpapakahulugan at pag-unawa sa naging kasaysayan at saysay ng bayan. Interesanteng malaman halimbawa kung papaanong nahawa ang Cebuano ng kolonyalismo at kung papaanong naging daan ang pagkakahawang ito sa “kolonisasyong” nagawa nito sa malawak na lunan ng Mindanao, na kandungan ng maraming kulturang lumad. Nararapat ding sigurong aminin na naging sentrisko rin ang wikang ito sapagkat sentro din naman ang Cebu sa kolonyal na kasaysayan. Ang totoo’y ang daming binubuksang kaisipan ang aklat ni Rafael hinggil sa katangian, kahinaan, at katatagan ng ating wika sa arkipelahikong lupalop na ito. Ngunit hindi naman talaga natapos ang “pagkakasakit” ng ating mga wika dahil pumasok pa ang talagang magiging salot sa ating wika, matapos ng sandaling pagtatatag ng Republika sa ating bansa noong 1898—ang Amerikanisasyon. Sa panahong ito, nagkasakit ang mga wikang lokal, naging wika ng kalye at mababang kultura, at naitanghal ang Ingles bilang wika ng edukasyon at karunungan.

Si Louie Jon A. Sanchez ang may akda ng dalawang aklat ng mga tula At sa Tahanan ng mga Alabok (2010) at Kung Saan sa Katawan (2013) na inilimbag ng UST Publishing House. Kasapi siya ng LIRA at guro sa Ateneo de Manila University.  Ang sanaysay na ito ay nailathala na www.teacherljsancez.com .

Advertisements

Written by ljsanchezph

Monk on Saffron is a Koreanovela fan. He likes watching television and recently has found something interesting about it--writing on its various facets in scholarly works, he is afraid only a few would read. He is also a passionate poet, worshipping Louise Gluck, Wiszlawa Szymborzka, Carolyn Forche, Elizabeth Bishop, and most recently, Eavan Boland. A friend of his however tells him that he's not yet fully destroyed his anxiety of influence with Rebecca Anonuevo. When not writing, he teaches art and towards the end of the term asks students to sing the Pasyon--even if it's Christmas Time. He's hyperacidic (no coffee please!) and would usually opt for a glass of orange juice in Starbucks. His loves the violent romance in My Sassy Girl, the quaint bookstore in You've Got Mail, and the long magical waiting in The Lakehouse. He wants to meet his man in a train.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s