Colon: Isang Nobela (Excerpt)

Excerpt from Braga’s novel Colon . 

By Rogelio Braga

KABANATA 18

“MAYROON AKONG NAGING kaibigan sa Diliman, si Ingrid, Bulakenya. Dahil bagong salta lang ako sa Maynila noon gusto kong magkaroon ng mga kaibigan sa siyudad. Nais ko noon ng mga bagong karanasan at mamulat ako sa buhay na hindi ko kinalakhan sa Marawi. Dahil si Ingrid ay hindi rin taga-Maynila, kami ang naging magkaibigan. Lagi kaming magkasama sa lahat ng lakaran at naghihintayan kami sa klase bago ‘sabay na uuwi sa dormitoryo. Mabait si Ingrid at sabi niya, hindi pa raw siya nagkakaroon ng kaibigan na Muslim. Ako raw ang unang Muslim na naging kaibigan niya. Natuwa naman ako kasi si Ingrid din ang unang kaibigan ko na Tagalog. Marami kaming matututunan sa isa’t isa, naisip ko. Matalino si Ingrid, pareho kami na nagtapos ng valedictorian sa high school, pareho kaming kumukuha ng Education. Kapag kumakain, si Ingrid ang naga-adjust para sa akin. Pareho naming iniiwasan ang Rodic’s sa Shopping at sa KFC sa SM North Edsa kami kumakain. Hindi siya omoorder ng baboy at minsan siya pa ang nagsasaway sa mga ka-roommates namin kapag maingay at nagsasambahayang ako sa kuwarto. Alam mo iyong  pakiramdam na mayroon kang tagapagligtas? Iyong pakiramdam mo kaya mong pasukin ang lahat ng sulok sa  siyudad dahil mayroong gumagabay sa iyo? Ganyan si Ingrid sa akin. Siya ang nagpaliwanag sa akin ng lahat tungkol sa Maynila, tungkol sa pamumuhay kasama ng Kristiyano.

Si Ingrid din, sa kuwentuhan namin, ang nagturo sa akin ng kasaysayan ng Pilipinas, iyong kasaysayan na hindi itinuturo sa loob ng klasrum namin noong high school sa Marawi, o tumakas sa akin habang itinuturo ng mga guro. At dahil taga-Bulacan siya, si Ingrid ang nagpaliwanag sa akin ng noong Rebolusyon 1896—ang naging mitsa nitong rebolusyon naming mga Filipino laban sa mga Kastila. Ang GOMBURZA. Ipinaliwanag ko naman kay Ingrid ang talumpati ni Kudarat sa aming mga Meranao upang hikayatin na sumanib sa kanya laban sa mga Kastila. Hindi kilala ni Ingrid si Kudarat. At nababasa ko sa mga mukha niya na hindi siya interasado kasi pilit niyang ipinapakita sa akin ang interes niya. Naisip ko ito kasi palaging iisa ang sagot niya sa akin, “Tama…tama… Ang tatapang talaga ng mga bayani ng lahi natin laban sa mga mananakop na dayuhan…”

Naglalakad kami ni Ingrid sa Sunken Garden na nakasanayan na namin tuwing Linggo ng hapon. Dito kami nagpapalitan ng mga kuwentuhan, pangarap, mga karanasan, at mga opinyon sa mga bagay. Nais ni Ingrid ang makapag-asawa ng matalino at responsableng lalaki. Sasagutin niya lang ang nanliligaw sa kanya kung malalaman niyang mayroon itong pangarap sa buhay. Ako naman, sabi ko sa kanya noon, ipinagkasundo na sa isang lalaki. Tulad ng nakatatanda kong ate, ipinagkasundo rin siya sa isang lalaki ng kabilang angkan upang matigil na ang rido sa pagitan ng  aming mga pamilya. Hinihintay ko siyang magbigay ng saliwang reaksiyon sa sinabi ko, dahil ang totoo, nais ko ring malaman ang iniisip ng iba sa kultura naming mga Meranao. Nais ko lang ang may kausap, iyon bang tulad ng sinasabi ng mga Tagalog: ‘ang may kapalayagan ng loob’, gusto iyong may kasama palagi o kaibigan na hindi tinatanggap ang aking kultura pero palaging naririyan sa tabi ko. Hindi ako iiwanan. Pero palaging sagot sa akin Ingrid sa paglalakad naming iyon, “Tama…tama…Iba-iba talaga ang kultura ng mga Filipino…we are a nation of diversity…”

“Nang sumunod na semester, sumali kami ni Ingrid sa isang political party sa student council. Sa lobby ng Vinzon’s palagi nagmemeeting ang political party. Doon, namulat kami ni Ingrid sa mga isyung panlipunan. Heto na ang totoong UP, ang sabi ko. Tinatalakay sa mga meeting ang isyung may kinalaman sa kahirapan, sa suweldo ng mga manggagawa, sa militarisasyon sa kanayunan, ang pananatili ng mga sundalong Amerikano sa Sulu, ang giyera sa Mindanao. Ilang beses din kaming sumali ni Ingrid sa mga rally, sa US Embassy, sa SONA ng pangulo sa Batasan, at nang dumalaw sa Pilipinas ang pangulo ng Estados Unidos. Naengganyo ako na manatili sa grupo dahil sa isang isyu: ang militarisasyon sa kanayunan. “Tama…tama…hindi maka-Filipino ang ginagawang ito ng gubyerno sa Mindanao…kailangang magbalik sa mesa ang mga partido para sa usapang pang kapayapaan…”ang paliwanag sa akin ni Ingrid. Ito ang pinakamalapit sa akin dahil sa giyera sa Mindanao; nasa loob ng campus ng MSU ang bahay namin sa Marawi at hindi iisang beses sa isang buwan na ginigising kami ng mga helicopter na lumilipad sa himpapawid ng campus lalo noong itinigil ng Korte Suprema, nitong 2008 lang, ang pirmahan ng gubyerno at ng MILF ang memorandum sa ancestral domain. Nasaksihan ko lahat, ang gulo lalo na noong nagdeklara ang mga Filipino ng “all out war” laban sa MI noong panahon ni Erap. Naalala mo ba iyon, Blesilda? Nasa cover pa ng Inquirer ang picture na itinindig ng mga sundalong Filipino ang bandila ng Pilipinas sa nawasak na masjid sa loob ng Camp Abubakar.

“Nang dumating ako sa Maynila, nangako ako na hindi ako magiging vocal sa mga saloobin at isyu ko, naming mga Moro. Okay lang naman ‘yun kasi maging sa amin sa bahay sa Marawi hindi ako nagsasalita tungkol sa pulitika; simple lang ang gusto, tulad ng sa lolo ko, ang maging guro ng mga batang Moro, ang maging guro sa amin sa Ranaw at magtapos sa UP. Pero iba sa loob ng unibersidad, malaya ang isip mo, may kalayaan kang ibandera ang perspektibo mo at hindi iyon bawal. Walang magbabawal sa iyo. Walang babaril sa iyong Ilaga di tulad sa Iligan o sa Kauswagan.

“Matatas managalog ang mga lider ng political party namin at ang mga kasama ko kaya du’n ako natutong mag-Tagalog. Sa dorm, pinag-uusapan pa namin ni Ingrid ang mga isyu; madalang kami kung magtalo na dalawa. Malimit na magkapareho ang panig namin sa isang isyu. Totoo nga na kontrol pa rin tayo ng mga Amerikano, na patuloy pa rin ang paghahari ng mga piyudal na sistema sa kanayunan. Silang mga mayayamang pamilya pa rin ang nagpapatakbo ng Pilipinas, ng ating bansa. Ang mga oligarkiya.

“Mahal ng mga kasama ko na mga student leader sa political party, pati kami ni Ingrid, ang bansang Pilipinas. Kailangang pagsilbihan namin ang bayan na siyang nagbigay nitong edukasyon; kailangang ibalik namin sa masang Filipino ang serbisyo, ang talino. Pagmamahal sa bayan. Nasyunalismo.

“Naalala ko noong 2003 nang bumalik ako sa Maynila mula sa Marawi. Dala-dala ko ang Buliok. Sa bahay namin pinag-usapan ang pambobomba sa Buliok. Kampo ng MI ang Buliok at sabi ng gubyerno, kinukupkop daw ng mga MI ang mga kriminal, ang mga kidnaper, kaya binomba ang buong complex. Ang kuwento pa sa akin ng isa kong pinsan, hinulugan daw ng bomba ng mga sundalong Filipino ang masjid sa Buliok; tumakbo sa loob ng masjid ang mga tao—bakit hindi ka tatakbo sa masjid e alam mo na iyon ang bahay ng Diyos, na doon ka nagdarasal. Ikaw ba, Blesilda, na isang Kristiyano, di ba tatakbo ka rin sa simbahan ninyo tulad ng mga taumbayan sa pelikula ni Darna nang sumugod ang mga giants? Pero wala, binagsakan ng bomba ang masjid. Parang sa Manili, sabi ng pinsan ko, parang sa Maniliwalang nagbago sa mga Filipino…umiiling-iling na lang ang pinsan ko.

“May sikreto na sinabi sa akin si Ingrid sa isang paglalakad namin sa Sunken Garden isang Linggo. Crush niya ang lider ng grupo namin. Hindi lang crush, as in crush na crush niya. PolSci major. Guwapo naman kasi ang lalaki, matalino, aktibo sa student movement, writer sa Kule. Sa isang pagpupulong ng grupo nagsalita si Mr. PolSci. Ipinaliliwanag niya ang gagawing pagtutol ng aming grupo sa napipintong pagtataas ng tuition fee sa Unibersidad. Sabi niya, sa ganitong klase ng aksiyon mula sa mga namumuno sa Unibersidad, minamardyinalisa ng UP sa akses sa edukasyon ang mahihirap na Filipino. Pinagmasdan ko si Ingrid at ang mga mata niya na nakapako kay Mr. PolSci habang nagsasalita. Bago magtapos ang speech ng aming leader nagtanong siya, ‘Wala na ba tayong isyu na kailangang pag-usapan bilang isang grupo—the plenary is now open,’ ang biro niya.

“Itinaas ko ang aking kamay at napansin niya kaagad ako, ‘Okay, mayroon sa isang kapatid nating Filipinong Muslim. ‘Yan ang mga Muslim, matatapang ‘yan.’ Tumayo ako at bumati ng sala’am sa kanila, ito ang kauna-unahan na magsasalita ako sa harap ng maraming Tagalog. Nakatingin silang lahat sa akin at totoo ngang kakaiba ako sa lahat dahil nakita ko, sa lahat ng nakaupo, ako lang ang may hijab. ‘Mayroon lang akong tanong, mga kapatid,’ bungad ko. ‘Bakit natin hinahayaang patayin ng mga sundalong Filipino ang mga Moro sa Mindanao?’ Natahimik ang lahat. Nakita ko si Ingrid na napayuko, sa hiya, o sa galit. ‘Binomba ng mga Filipinong sundalo ang Buliok Complex, maraming Moro ang namatay—pero heto tayo, pinag-uusapan natin ang taun-taon nang isyu sa unibersidad na ito.’ Natahimik ang lahat. Namutla si Mr. PolSci. At sa pilit niyang itindig muli ang sarili, hindi niya sinagot ang tanong ko: pinag-aralan niya ang tanong ko. ‘Naheeda, kapatid,’ ang panimula niya, ‘you started with a wrong question: Aren’t we all Filipinos? Ang ginawa ng mga sundalo ni Arroyo sa Buliok was  an assault not just to Moro brothers and sisters but to all Filipinos, including you, a Filipino Muslim sister.’ Narinig ko ang pagkatig sa kanya ng ibang mga kasapi ng grupo. ‘Buliok is probably an MILF camp—these are rebels,” ang sabi ng isa. “Oh well, that’s a post-colonial discourse—Moros and Filipinos—these labels are products of our colonial past; we should bring our hands together to subvert these imposed realities,” dagdag pa ng isa. Tiningnan ko si Ingrid, ang aking kaibigan, na magsalita para sa akin, para meron akong kakampi. Hinihintay ko ang ‘Tama…tama…” na magmumula sa kanya o kung hindi man, magsasalita siya laban sa akin, sa aking mga sinabi. Pero napayuko lang siya. Iniiwasan niya ang mga mata ko.

“Hindi sa akin sumabay pauwi sa dorm si Ingrid. Sumama siya sa ibang miyembro namin sa grupo, sa mga freshman at sa Rodic’s pa sila kumain. Iniwasan niya ako buong maghapon kahit sa break at sa klase.  Nu’ng gabi na, naabutan ko siya sa loob ng kuwarto, nakaupo siya sa gilid ng kama at nakahalukipkip ang mga braso niya sa dibdib at parang hinihintay niya talaga ang pagdating ko. ‘Why did you do that?’ ang tanong niya sa akin. Hindi ako sumagot, dahil alam ko na kapag sumagot ako, lalong gugulo, mawawala ang aming pagkakaibigan. ‘Did you realize that you just shamed yourself in front of them?’ Kailan pa naging kahihiyan, Blesilda, ang magsalita ka laban sa walang habas na pagpatay ng tao, ang walang habas na pagpaslang ng mga Filipino sa aming mga Moro? Hindi pa rin ako sumagot sa kanya. ‘Ang problema kasi sa inyong mga Moro, ang dami niyong reklamo: kesyo ginanito, kesyo ginanyan kayo ng mga Filipino pero saan kayo nakatira rito sa Maynila? Saan kayo nagtitinda ng mga paninda ninyo at sino ang mga bumibili sa inyo? Saan ninyo pinag-aaral ang mga anak ninyo? Saan ka nag-aaral?’  Alam mo ba kung ano ang ibig sabihin ng ‘kalupitan’, Blesilda? Iyon ‘yung parang ilang beses kang hinampas nang hinampas ng tuyong buntot ng pagi at  sa bandang huli kailangan mo pang magpasalamat dahil iisa ang kamay na humahampas at nagpapakain sa iyo.

“Kung ikaw, Blesilda, ano ang pipiliin mo: ang bagsakan ka ng bomba sa loob ng masjid sa Buliok o pag-aralin ka sa eskuwelahan ng mga Filipino?

“Nang sumunod na taon umalis na ako sa political party at lumipat na rin si Ingrid sa ibang dorm. Bagaman nagkikita pa rin kami sa loob ng campus at may mga subject na magkaklase kami, hindi na naibalik ang dating samahan—unti-unti na kaming lumayo sa isa’t isa.

“Nakahanap ako ng bagong grupo, isang organisasyon ng mga mag-aaral na Moro sa unibersidad; layunin ng grupo na isulong ang perspektibong ‘Bangsa Moro’ sa Maynila. Iba pa sila sa Muslim Student Association na kasapi rin ako. Siguro, naisip ko, kailangan kong sumama sa mga ‘kauri’ ko para maiwasan ko ang gulo at makasakit ng damdamin tulad ng nangyari sa amin ni Ingrid. Sa bago kong grupo, lahat kami Muslim, mula sa iba’t ibang tribo sa Mindanao—Meranao, Tausug, Maguindanaoan, Kalagan, Iranun. Mula rin kami sa iba’t ibang kolehiyo sa Diliman. Noong mag-GA ang organisasyon, napansin ko halos lahat ng miyembro, taga-CSSP, Philosophy at Political Science majors, Public Administration at may mangilan-ngilan na mula sa Islamic Studies na mga kasama ko rin sa MSA. Sa grupo na iyon, ako lang ang nasa Education; parang ako lang ang may interes sa edukasyon ng mga Moro pagbalik sa amin sa Mindanao. Lahat sila, kumukuha ng kursong pre-law. Marami akong natutunan sa aming grupo, lalo na iyong tungkol sa kasaysayan ng aming lahi, ang Bangsa Moro struggle, ang mga isyung kinasasangkutan ng mga Moro sa kasalukuyan tulad ng diskriminasyon at kahirapan. Malaya naming pinag-uusapan ang karahasan ng mga Ilaga at ng mga militar sa Mindanao at ang palaging nauudlot na peace negotiation ng GRP at MILF.

“Maraming proyekto ang grupo at may akses sila sa mga funding institution at mga NGO sa Maynila at Mindanao. Naiimbitahan sila sa mga fora para magsalita sa harap ng mga  bigating pulitiko, Filipino at Moro, na personal na mga kaibigan ng ilan sa mga magulang at pamilya ng mga kasapi ng organisasyon. Ang mga lider ng organisasyon, naiimbitahan sa mga pagpupulong sa iba’t ibang mga hotel sa Maynila, Cebu, Davao at Baguio para sa ‘boses ng kabataang Moro’. May iba na naipadadala pa sa ibang bansa bilang mga delegado ng Pilipinas. Sa organisasyon din kinukuha ng unibersidad kung may ipadadalang youth representative sa mga pagpupulong ng mga unibersidad sa Pilipinas. May mga kasapi sa grupo na opisyales sa kani-kanilang local student councils sa kanilang mga kolehiyo.

“Nang matapos ang semester, napansin ko wala akong naging kaibigan at kausap sa organisasyon bukod sa mga kasama ko rin sa MSA na kasapi ng grupo. Matatapos na ang semester pero wala man lang kumausap sa akin; huli na nang malaman ko na hindi pala kami kabilang sa ‘kanila’ dahil hindi kami nabibilang sa malalaki at makapangyarihang mga pamilya at mga anak ng mga pulitiko sa Mindanao. Walang matataas na posisyon sa gubyerno ang mga magulang namin. Nanatili pa rin ako sa organisasyon nang sumunod na semester, para obserbahan sila. At nakita ko nga ang katotohanan: sa mga fora, sila ang magsasalita, sila palagi ang may alam kung ano ang Bangsa Moro at nasaan na nga ba ang struggle, ako at ang mga ilan sa amin, tagagupit ng backdraft, tagabili ng merienda ng speaker, tagadikit ng mga announcement poster sa buong unibersidad, malayo na ang narating mo sa hierarchy ng tasks distribution sa loob ng organisasyon, biro ng isa kong kasama na Yakan, kung ikaw na ang tagapindot ng ENTER button sa laptop sa utos ng ‘next slide please’ sa mga presentation.

“Minsan sa isang forum ng isang Catholic School sa Taft Avenue naimbitahan ang aming grupo; selebrasyon iyon ng Mindanao Week of Peace – ang organisasyon namin ang napiling kumatawan sa Bangsa Moro Youth.  At bilang tagasuporta, sumama na rin kami bilang mga chuwariwap. Malaki ang forum at naroroon ang iba’t ibang kinatawan sa iba’t ibang unibersidad. May mga pulitiko, midya, mga personalidad sa akademya at pag-aaral sa Mindanao, sa cultural sector, mga NGO, at funding agencies. Bibigyan ng sampung minuto ang bawat participant na magsalita sa entablado, at magsasalita ang isa sa aming lider. Posturang-postura ang aming lider at suot ko naman noong okasyon na iyon ang pinakamaganda kong hijab  na regalo sa akin ng tiya ko sa Malaysia sa nagdaang Eid’l Fitr. Kasama ko rin ang kaibigan kong Yakan at ibinigay ko sa kanya ang isa ko pang hijab na bigay sa akin ni Lolo Cali na nabili niya sa Aldovinco sa Davao.

“Kailangan daw naming mag-damit na Muslim para sa okasyon, sabi ng organizer. Pabiro pa kaming nagtalo ng kasama kong Yakan kung paano nga ba ‘ang magdamit na Muslim’.

“Nang tinawag na ang lider ng aming organisasyon para magsalita sa entablado ang lakas ng palakpak namin ng kaibigan kong Yakan. Nakaupo kami sa harap at bukod sa mga madre, nakaaagaw din kaming dalawa ng atensiyon dahil sa aming mga belo. Nagsalita ang aming lider at punong-puno ako ng maratabat dahil isang Moro ang nagsasalita sa entablado, sa harap ng mga Filipino, sa harap ng mabibigat na personalidad sa Maynila. Mahigpit na magkayakap ang aking mga palad sa sobrang galak. Nang magsalita na ang aming lider, sinabi niyang moderno na ang kabataang Moro sa kasalukuyan at kaya na naming makipagtagisan sa mga pandaigdigang usapin tulad ng pandaigdigang kapayapaan, inter-faith dialogues, diversity, at mga isyu sa kalikasan at ang terorismo. Nagpasalamat siya sa mga paghihirap ng aming mga ninuno sa mahabang taon na nakipaglaban sa mga mananakop na Kastila,  Amerikano, at mga Hapones—na tila sa mga Hapones na natapos ang pananakop sa amin. Nagpalakpakan ang mga tao. Na iba na raw ang ‘struggle’ ng mga kabataang Moro, ayon sa kanya: ang makapag-aral sa mga unibersidad sa Maynila at sa abroad, ang maging propesyunal, ang makatulong sa community sa ‘Moroland’ kahit na may maliit na suweldo— na imbes na ilaan niya ang oras sa pagtatrabaho sa malalaking kumpanya sa Maynila, Saudi Arabia at Libya at suwelduhan siya ng malaki, ibibigay niya ang kanyang talento sa mahihirap na mga Moro sa Mindanao, na ang mga kabataang Moro ay kaya nang makipagsabayan sa mga kabataang Filipino at ‘thinking global at acting local’. Malakas na palakpakan. At nagpatuloy siya, na kaming mga kabataang Moro ay hindi na katulad ng matatanda sa amin na nandu’n sa bundok at humahawak ng baril, na mga domestic helper at laborer sa Saudi at Malaysia—ito ang aming ‘struggle’ at naghahangad na kami ng ‘peace and order’ para sa lahat ng Moro! Lalong malalakas na palakpak. Napansin ko na hindi kumikibo ang kaibigan kong Yakan, ‘Sis, bakit ano ang problema?’ tanong ko. Wala, sabi niya, naalala ko lang ang nanay ko, nasa Saudi. At nagyaya na siyang umuwi—na hindi ko alam kung dahil sa hiya sa kanyang nanay na nasa Saudi, o dahil sa isang uri ng lungkot na kahit kailan hindi namin pag-uusapang dalawa, na parehong Muslim, na kahit ngayon ikinatatakot o may pag-aagam-agam akong hukayin sa pinakatahimik na bahagi ng aking sarili at ilantad sa daigdig.

“Kung ikaw, Blesilda, ano ang pipiliin mo: ang bagsakan ka ng bomba sa loob ng masjid sa Buliok o bigyan ka ng masigabong palakpakan ng mga Filipino?

“Nang dumating ang Pebrero, umalis na rin ako sa grupo nang umalis ang kaibigan kong Yakan. At nag-concentrate na lang kami sa mga proyekto namin sa MSA. Election kasi iyon ng mga bagong opisyales ng organisasyon, at tulad ng inaasahan, nag-aaway sila, nagsisiraan, at nagtitirahan nang patalikod. Ayaw kong maipit sa pagbabanggan ng mga lider ng grupo. Hindi naman ako kabilang sa kanila. Kung kay Ingrid naging isyu sa amin na magkaiba pala ang ‘bayan’ na pinagsisilbihan namin, sa mga kapatid kong Moro, iyong mga ‘modernong’ Moro ng ‘peace and order’ – hindi ko alam kung iisa nga ba ang ‘bayan’ na tinutukoy namin.

“Tinanong mo ako kanina kung kamusta na si Ingrid—may contact pa rin kami. Inimbitahan niya ako sa Facebook at napatawad ko na siya. Nagpatuloy siya sa pag-aaral at natapos ang Education. Di tulad ko na tumigil bago mag-third year. Guro na si Ingrid ngayon sa isang pampublikong high school sa kanila, sa Malolos. At tulad ng pangako namin sa isa’t isa, tinupad niya ang pangako niya na ibalik sa bayan ang serbisyo. Pero ako, heto, nasa tabi mo at tumatawid ng dagat sa pagitan ng Cebu at Negros, tatawid ng mga bundok. At tulad ng mga lolo at lola ko at mga magulang ko noong panahon ni Marcos sa Ranaw, tumatakas pa rin sa karahasan ng mga Ilaga, ng mga Filipino.

“Hindi ko na babalikan ang pag-aaral ko sa Maynila, Blesilda, in sha Allah. Hindi na. Dahil hindi ko kailangan ng kahit na ano, na papasanin ko habang nabubuhay ako hanggang sa kamatayan, na mula sa mga Filipino.”

 

Advertisements

Written by Rogelio Braga

Playwright, fictionist, and essayist Rogelio Braga is from Manila. He is a member of the Young Moro Professional Networks, Inc (YMPN) and co-convenes the Moro Culture, History, and Arts of the organization.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: