Mga

DARATING ANG PAGKAKATAON at makahahanap din ng trabaho si Lipoy. Ito ang ibinaon niyang paniniwala nang umalis siya sa bahay noong Lunes na iyon. Hindi naman nag-iisa si Lipoy sa ganoong uri ng pagpapatakbo ng isang adlaw; marami sa lungsod na sinisimulan ang adlaw nila sa pananampalataya. Ang makahanap siya ng trabaho ang paniniwala rin ni Lita, ang kanyang maybahay, noong Lunes na iyon. Tiyak na may pagkakataon na makahahanap din ng trabaho ang kanyang bana, sa konstruksiyon halimbawa o sa isang pribadong bahay o sa kahit na sinong masasalubong ni Lipoy sa daan at may ipagagawang anumang sira sa kanilang mga buhay at ari-arian. Ganyan naman talaga ang lungsod na pinaglagakan kay Lipoy: nasa mga dakilang kamay ng pagkakataon ang lahat.

Tiyak si Lipoy nang umalis siya sa bahay na dala-dala niya ang lahat ng kakailanganin: martilyo, paet, lagare, katam, mga pako. Ngunit hindi siya tiyak sa plano kung paano susuyurin ang lungsod na ito upang mahanap ang pinakatamang amo. Lintek bahala na! Singhal ni Lipoy paglabas sa kanilang lugar sa Luzon Avenue, mayroon naman sigurong kahit na anong sira sa Maynila.

“Oy, bakit hindi ka na lang kasi sumama kina Maning?” pagpupumilit ni Lita sa bana bago ito umalis noong umagang iyon.

“Ano para magpa-ander ako kina Engineer Pantaleon? Kapag umalis ako—aalis ako! Putang ina nilang lahat!”

“Ikaw iyang pride mo. Akala mo siguro madaling humanap ng trabaho ngayon? Tigilan mo nga ako ng pag-uugali mong iyan.” At ibinagsak ni Lita ang mga pinggan sa banggerahan. Nagtalsikan ang mga mumo sa sahig, ang iba’y lumusot pa sa mga pagitan ng pinagdikit-dikit na mga coco lumber na siyang pinakasahig ng kanilang lungga. Nagbagsakan ang mga lumusot na mumo sa tiyan ni Rosalinda na nakahiga pa sa banig at naghihintay sa pagdating ng kanyang bana na panggabi ang trabaho bilang guwardiya sa isang establishemento sa Makati. Asawa si Rosalinda ng nabubuhay na panganay ni Lipoy, si Edgar. Sa ibaba ng lungga kasi nina Lipoy at Lita nakatira ang mag-asawa.

Siyam ang iniluwal na supling ni Lita, tatlo ang nabuhay.  Dinukot ang unang anak ni Lita at Lipoy noong Martial Law at hindi na natagpuan, patay na marahil. Ang sumunod ay kambal: sina Nemo at Nema. Si Nemo hanggang tatlong taon lamang dahil nadali ng tigdas; si Nema ilang buwan matapos pumanaw ang kakambal sinalot ng malnutrisyon. Ayon sa kuwento parang ibon daw itong si Nema dahil piraso ang isinusubo sa pamamagitan ng hintuturo at hinlalaki: pirasong kanin, dahon, gulay, kurot sa katawan ng sapsap. Ang ibang anak ni Lita namatay sa kanyang panganganak dahil ang mga ito raw ay mga anak ng tikbalang: may malaking puno kasi ang akasya sa harap ng bahay noon ng mag-asawa. Ipinaputol ni Lipoy ang puno isang adlaw hindi dahil sa tikbalang na sumisiping sa kanyang asawa kundi binayaran siya ng MERALCO nang makadaan ang ilang kable ng kuryente para sa mga kapit-bahay nila roon sa itaas, sa isang subdibisyon. May anak na dalaga ang mag-asawa noon na sumama sa isang pulis na nadestino sa Cotabato City. Dumating sa Luzon Avenue ang balita ng kamatayan ng pulis sa isang ambush ngunit wala nang nakarating na balita sa kahit na kapiraso ng kaluluwa ng salbaheng anak na dalaga. May anak din si Lita na nasaksak ng icepick sa traysikelan sa Balara.

May anak din si Lita na namatay dahil sa kulam. Dumalo lang sa isang sayawan ang anak na binata, may nakilalang magandang dalaga at isinayaw pagkatapos. Dahil sa naging matatamis ang mga ngiti ng dalawa habang nagsasayaw nakaaway ng binata ni Lita ang isang sumisinta ng labis sa dalaga.  Isang gabi nangingisay na lang daw ang binata ni Lita sa loob ng kulambo. Tumitirik ang mga mata at bumubula ang bibig. Tumawag ng albularyo si Lita. Nagsiga ng kamanyang sa harap ng bahay. Nilagyan ng albularyo ng mga palito ang pagitan ng mga daliri sa paa ng binata—at iyon nga, ang binata ay ipinakulam. Isang makapangyarihang mangkukulam sa Balara ang may gawa.

“Maryosep, Apo, ano po ang gagawin natin?” Natataranta na si Lita. Wala noon si Lipoy at nasa Saudi Arabia bilang isang karpentero sa ginagawang ospital sa Jeddah.

Nagpakuha ng ilang pirasong kaning bahaw ang albularyo. Nang iabot ni Lita ang ilang piraso ng kanin sa albularyo napansin niyang patuloy ang pagtiktik ng mga butiki sa kisame. Lumalakas daw ang kapangyarihan ng mangkukulam ng Balara, sabi ng arbularyo. Ipinatong ng albularyo ang ilang piraso ng kanin sa tiyan ng nagpupumiglas na anak. Sabay-sabay na huminto sa pag-iingay ang mga butiki. Lumabas muli ang malapot at maputing tila bula ng sabon sa bibig ng binata ni Lita. Tuluyang namahinga sa buhay ang anak; may ilang piraso ng kanin na nakapatong sa kanyang tiyan.

Noong umaga ng Lunes na iyon sumakay si Lipoy ng bus patungong Baclaran. Sisimulan niyang maghanap ng trabaho sa Cubao at maglalakad patimog sa Baclaran. Susuyurin niya ang kahabaan ng EDSA sa buong maghapon.  Kung sakaling marating niya ang Baclaran na walang nahanap na trabaho, tatapusin niya ang adlaw sa pagtutulos ng kandila sa Redemptorist Church at mananalangin na sana bukas, Martes, ay may mautangan pa sila ni Lita ng pamasahe niya sa paghahanap ng trabaho. Matanda na si Lipoy. Magkalayo na nga ang kanyang mga tuhod sa tuwing maglalakad na para bang may malaking bato sa pagitan ng kanyang mga hita. Umaatras na rin ang kanyang buhok sa bumbunan na tila korona na ipinutong sa naging malakas na kabataan at sa pagdaan ng panahon, sa katandaan, madalang na nating matingnan at ipagpunyagi.             Nakalagay sa berdeng bag na may malakang logo na “BOYSEN” ang kanyang mga gamit. Suot niya ang kupas na maong na pasadyang pinutol sa tuhod. Suot niya rin ang t-shirt na may nakasulat na “BOYSEN” sa dibdib.  Isang linggo nang naghahanap ng trabaho si Lipoy. Ngunit ang kada-adlaw na pagkabigo ay kada-adlaw na pagkabigo: nagtatapos sa hatinggabi ang kabiguan at kinabukasan, sisimulan muli ang umaga sa paghahanap ng pagkakataon: ito ang bersiyon ni Lipoy ng pag-asa.

Ang pag-asa ring ito ang gumabay kay Lipoy sa paglalakbay niya sa buhay bilang manggagawa sa konstruksiyon. Natutunan niya ang humawak ng martilyo sa paniniwalang kung ang lolo at tatay niya ay humawak ng martilyo, hindi malayong matutunan din niyang humawak ng martilyo, hindi malayong matutunan din itong hawakan ng magiging anak niya at apo ng kanyang mga apo. At hindi nga siya nagkamali dahil ang kanyang si Edgar, natututong humawak ng martilyo nang makatapos ng Grade Six.

Ginugol ni Lipoy ang labing-dalawang taon sa animnapu’t limang taong buhay niya sa pagtatrabaho sa ibang bansa; construction worker siya sa mga ipinatatayong kabihasnan ng mayayamang bansa sa Gitnang Silangan at Asya. Kung pagbabasehan ang katwiran sa uniberso ng bersiyon ni Lipoy ng pag-asa, malaki ang naitulong ng labing-dalawang taon sa pagsulong ng panahon, ng ating panahon kahit iyon pa ay sa ibayong dagat: napalitadahan niya ang mga gusali nila’t monumento, nalagyan ng alulod ang lahat ng kanilang mga bubong, nalinis kahit na ang pinakamatataas na salaming bintana sa kanilang mga siyudad, nakabili siya ng 21 inch COLOR TV, nakapagtapos ng high school ang nalalabi niyang anak na babae, nakapagpatayo siya ng maliit na kubo sa Bohol para sa bunso niyang babae na nakapag-asawa ng isang magsasaka. Sa ibayong dagat niya rin nabili ang mga kagamitan niya ngayon: ang martilyo sa Iraq, ang lagare sa Jeddah, ang katam sa Riyadh, at ang paet, sa Korea. Malawak ang karanasan ni Lipoy bilang tao sa industriya ng konstruksiyon. Sa ibayong dagat pa nahasa ang kanyang kakayanan. Ngunit ang ipinagtataka niya, sa haba ng kanyang karanasan, sa paggamit niya ng mga martilyo, lagare, katam, at paet nahihirapan pa rin siyang humanap ng mapapasukan.

Nagsimula ang paglalakbay ni Lipoy sa pagsakay sa isang bus na babagtas sa kahabaan ng EDSA. Ordinary bus, ibig sabihin malaya niyang sisinghutin ang baho, usok, at alikabok ng Maynila. Pagpasok niya sa estribo ng bus ginipit siya ng sampung mga lalaki. Ang iba sa kanila’y kunwaring palipat-lipat ng upuan, ang nalalabi’y ipinilit na idagan ang kanilang mga katawan kay Lipoy. Nasa tapat na ng mala-palasyong sambahan ng Iglesia ni Kristo ang bus sa Commonwealth Avenue. Nanatili si Lipoy sa upuan. Pinagmasdan niya sa mukha ang mga lalaki na gumigiit sa kanya. Tila tahimik silang nag-uusap sa kanilang mga mata. Pagod nang magsalita ang lahat ng tao sa lungsod na ito kaya siguro nangungusap na lamang sila gamit ang ibang mga pandama. Iniiwas nila ang kanilang mga tingin sa mga mata ni Lipoy na puno ng pagtatanong at tila humihingi ng kasagutan. Nang humimpil ang bus sa tapat ng East Avenue Medical Center nagsibabaan ang mga lalaki. Natanaw ni Lipoy sa kanyang bintana na nakangisi ang ilang lalaking bumaba. Nang umandar na ang bus dumungaw ang isang pasahero sa bintana at hinabol ng mga mahahayap na salita ang mga kalalakihan. “Mga animal kayo! Ang lalaki ng mga katawan ninyo hindi kayo magtrabaho mga ulol! Mga kawatan! Kawatan!”

Nagkaroon ng kaguluhan sa loob ng bus. Tinapik si Lipoy sa balikat ng isang lalaki. “P’re, natiyempuhan ka ng mga bataan ni Mando. Ganyan talaga, suwertehan lang iyan.” Nangamba si Lipoy. Kinapa niya ang kanyang bulsa, wala na ang pitaka niya.  Ibinaba niya ang mga kamay niya sa ilalim ng upuan upang kapain ang bag ng mga kagamitan niya. Wala na rin ang bag. Nanginig ang kanyang batok at namanhid ang kanyang mga kamay. Huminga siya ng malalim dahil tila may mabigat na hanging dumagan sa dibdib niya. Napahagulgol si Lipoy. Nakatingin lang sa kanya ang ibang mga pasahero. Itiniklop ni Lipoy ang kanyang mga binti at inginudngod ang mukha sa kanyang mga tuhod. Wala namang magagawa ang ibang mga pasahero kundi ang tapunan siya ng awa, may mangilan-ngilang napangiti pa habang umiiling at may ibang nakikidalamhati at nagpapasalamat na hindi sila ang natiyempuhan ng mga kawatan.

Bumagal ang daloy ng trapiko nang marating ng bus ang EDSA. Tila isang napakalaking paradahan ang EDSA. Bumaba at nagdesisyong maglakad ang ilang mga pasahero na naiinip sa paghihintay. Marami nang naglalakad sa gilid ng kalsada. Isang dalampasigan ng tao ang gilid ng kalsada at ang EDSA naman, tila isang karagatan ng mga nakahimpil, nag-iinit at umuusok na mga makina. Ang dalampasigan kung saan nagtatagpo ang buhanginan ng tao at ang karagatan ng mga sasakyan ay isang mahaba at nakababagot na paghihintay at paglalakbay.

Nanlalambot ang mga tuhod na tumayo sa upuan niya si Lipoy para bumaba ng bus. Bagaman alam ni Lipoy na mauunawaan ni Lita ang pagkawala ng pera niya at kagamitan, naroroon pa rin ang kanyang panghihinayang, ang kahihiyang mararamdaman sa harap ng kanyang asawa sa pag-aming nadukutan siya: “Ang tagal mo na sa Maynila,” iniisip niyang sasabihin ni Lita bagaman walang galit o panunuri, “nadudukutan ka pa rin.”

Lumilipad ang kanyang isip habang naglalakad sa mga pasilyo ng Cubao-Aurora Boulevard. Nabubunggo ang balikat niya ng mga tao na pasalunga ang direksiyon sa kanyang tinatahak. Tila iniiwas ng mga tao ang paningin nila sa kanyang mga mata, o inaakala niya lamang ito. Itiniklop ni Lipoy ang kanyang mga palad. Itinuon niya ang atensiyon sa kumpol ng mga taong nag-uusisa. Ang iba ay nagtitilian habang balot ng pangamba ang mga mata. “Diyos ko! Baka maapakan tayo ng dambuhalang iyan!” singhal pa ng isa. Nakita ni Lipoy ang ibang mga pasahero ng mga nakahimpil na bus na dali-daling nagbabaan at balot din ng pangamba ang kanilang mga mukha. Napansin din ni Lipoy ang mga mukha ng mga taong nakatanaw sa mga dumaraang karwahe ng tren, nakadikit ang mga mukha nila sa bintana at nakatingin sa ibaba.

“Nabagot siguro kaya hayan nagwawala!”

“Maryosep may mga taga-Manila Zoo na ba?”

“Ang putang ina may sungay pa ‘ata tingnan niyo! Baka manuwag iyan!”

“Mukhang naiinitan nga yata. Hindi siguro sana’y sa tropical country…”

“Imported?”

Isang dambuhalang elepante na may taas na halos dalawang palapag na gusali ang nagwawala sa EDSA-Cubao. Lalong nagwala ang elepante nang marating nito ang panulukan ng EDSA at Aurora Boulevard at binusenahan ito ng mga sasakayan nang barahan nito ang daloy ng trapiko sa dalawang pangunahing kalsada. Naroon ang dambuhalang halimaw. Paroo’t parito ang takbo. Sinusuwag ang lahat ng nagnanais na lumapit sa kanya. Nagugulat din ito sa pagdaan ng tren sa kanyang itaas. Mabangis ang elepanteng ito.

Sa malayo tila isang dambuhalang bato na pagulong-gulong ang elepante. Nahimpil ang lahat sa bahaging iyon ng lungsod. Nangangagat ang init ng araw at nababalot ng usok at alikabok ang lansangan.  Nagpapawis ang balat ng elepante dahil sa alinsangan. Walang nakakakita sa kanyang mga mata na humihingi ng tubig, ng kaunting lamig sa katawan, ng kasagutan kung bakit siya nasadlak sa lupaing ito na mainit, maingay, mausok at gusgusin.

Tila naisantabi si Lipoy dahil sa kaguluhan. Tuliro pa rin ang kanyang isipan at tumatakas ang mga pangungusap sa kanyang kamalayan. Paano na ngayon?  Natatanaw niya sa malayo ang dambuhalang elepante na nagwawala sa gitna ng lansangan kasama ng mga naglalakihang bus, truck at nagtatayugang mga gusali.

At naisip niya ang isang sitwasyon.

Nasa ilalim ng isang paa ng ginagawang parte ng LRT ang elepante. Patuloy pa rin ang pagpupumiglas nito at tila nais na buwagin ang anumang nakahambalang sa kanyang harapan. Tinungo ni Lipoy ang parteng iyon ng kalsada at hinarap ang elepante. Nangamba ang mga nakamasid pati iyong mga nakadukwang sa mga bintana ng mga nakahimpil na bus. Sino itong matandang ito na nakaharap sa dambuhala? Tila may tinatanong? Tila may nais sabihin sa sitwasyon na kinasadlakan niya o nilang dalawa?

Nang magtama ang mga mata ni Lipoy at ng elepante nabahala ang madla. May dumaraang tren ng MRT at nagsisikan ang mga pasahero sa mga bintana para tanawin ang paghaharap ni Lipoy at ng elepante. Isang dalaga ang nakatanaw sa kanilang dalawa mula sa itaas.  Habang tumatakbo ang karwahe ng MRT hinahabol ng tingin ng dalaga ang paghaharap ni Lipoy at ng nagwawalang elepante. At naisip niya, ngayon lang pala ako nakakita ng elepante sa tanang buhay ko. Mabuti na lamang at nagdesisyon akong sumakay ng MRT dahil kung hindi’y baka di ko na mahabol si Alex, baka hindi na ako makakita ng elepante. Inihilig ng dalaga ang kanyang mukha sa salaming bintana. Suot niya pa rin ang makapal, madilim na sunglasses. Ipinikit niya ang kanyang mga mata para sa isang malagim na eksena na nagaganap sa ibaba. Marami nang problema ang idinulot sa kanya ng mga matang iyon.

“Diyos ko kawawa naman ang mama!”

“Labas ang utak!”

“Nakita mo ba?”

“Parang pakwan na nasagasaan ng ten-wheeler!”

Gumapang ang hilakbot sa katawan ni Yvonne. Naisip niya kung ano kaya ang pakiramdam ang madaganan ng matinding bigat, iyong tone-toneladang bigat. Humimpil ang tren sa Cubao Station at dagsaang pumasok ang mga pasahero. Nanatili si Yvonne sa pagkakaupo. Puting-puti ang suot niyang damit na may mga manggas na aabot sa kanyang mga kamay, puti rin ang suot niyang pambaba maging ang  sapatos na balat. Ang tanging naiibang kulay na lumulutang sa kanya ay pula sa kanyang mga labi at ang itim na sunglasses na suot niya. Puti na rin ang kanyang buhok.

Ngayon ang adlaw na ‘hahabulin’ niya si Alex sa restoran na madalas nilang puntahan sa Greenbelt sa Makati. Hindi naman aalis ang kasintahan niya ngunit kailangan niyang habulin ang mga oras o may hiwalayang magaganap. Nauupos na kasi ang mga nalalabi pa niyang oras. Hindi naman siya mamamatay: kung kamatayan mang maituturing ang nagaganap sa kanya sa loob ng tatlong adlaw; maituturing na kasing patay ang kalahati ng kanyang katawan. Tahimik na nakamata si Yvonne sa kawalan. Lihim na tinatapunan ng tingin ng mga tao ang buhok niya dahil puting-puti na ito tulad ng kanyang damit.

“I need to catch him bago matapos ang lahat,” bulong niya sa sarili. Mahigpit na ang paghawak niya sa malamig na hawakang bakal ng tren. “Ito na ang huling pagkakataon.”

Tatlong adlaw na ang nakalilipas mula nang magising si Yvonne isang umaga matapos ang isang mahabang gabi na dinalaw muli siya ng isang panaginip.  Maraming beses na siyang dinadalaw ng panaginip na ito tulad ng isang alaala. Anim na buwan na nga at halos gabi-gabi. Napananaginipan niya ang isang mataas bundok na balot na balot ng niyebe. Puting-puti tulad ng kanyang buhok. Nakatitig siya bundok at ang bundok naman ay nakatitig din sa kanyang kaliitan. Makisig ang bundok at tila isang lalaki na kung ibibigay mo ang iyong pag-ibig susuklian niya ng seguridad, bangis ng pagbabantay, at katapatan sa iyong katawan. Noong umagang iyon nagising siya na basa na naman ng sarili niyang katas ang pagitan ng kanyang mga hita.

Pagtindig niya sa kama at iniharap ang mukha sa salamin napansin niya kaagad ang isang pagbabago sa kanyang mukha, sa kanyang mga mata. Wala na ang itim sa kanyang mga mata. Hindi takot ang una niyang naramdaman. Wala siyang naramdaman ngunit dagli siyang nagtanong. Bakit balintataw na ang kabuuan ng kanyang mata. Hindi naman siya bulag at malinaw na malinaw niyang nakikita ang lahat. Tumulo ang luha kanyang mga pisngi.

Mula noong umagang iyon lumalabas na siya ng apartment na suot ang sunglasses.  Sa katanghaliang tapat noong adlaw ding iyon namuti na ang kanyang mukha, pababa sa leeg hanggang sa kanyang mga suso. Maging ang kanyang mga utong namuti na rin. Ang tanging nananatili ang kulay sa kanyang mukha ay ang kanyang mga labi. Puting-puti na buo niyang katawan maliban sa kanyang buhok.

Noong ikalawang adlaw saka namuti ang lahat ng buhok sa katawan niya: pilik-mata, bulbol at ilang buhok sa kili-kili at binti. Ang kulot niyang buhok na hanggang balikat ay tila hilaw na pancit sotanghon na ipinutong sa kanyang ulo.

“Bakit nangyayari ito sa akin?” Hindi na niya malaman kung kanino pa itatanong ang pagbabagong nagaganap sa kanyang katawan. Dalawang adlaw na siyang lumiliban sa klase sa Unibersidad. Nais na niya sanang tawagan ang kanyang ina na domestic helper sa Hong Kong para ipaalam ang pangyayari. Ngunit nagdalawang-isip siya dahil ayaw niyang abalahin at pag-alalahanin pa ang kanyang ina. Wala naman siyang kaibigan sa Unibersidad. Si Alex lang ang malapit sa kanya sa kasalukuyan. Ngunit nasa opisina pa si Alex at ayaw nitong tinatawagan siya sa opisina dahil hindi alam ng mga ka-opisina ni Alex ang relasyon nila. Dating kasing ka-opisina ni Alex ang asawa niya sa kasalukuyan. Ayaw rin ni Alex na aabalahin siya sa trabaho.

“Alex?”

“Bakit ka tumawag? I told you I will text you first ‘saka ka tatawag. I am busy!”

“I know. Mabilis lang ito. I need to talk you. This is important.”

“Important?”

“Something’s happening to me?”

“Again?”

“No. This is not about me wanting for a cool off.”

“Ano naman siya this time? I don’t want another freaky same stories of Mt. Everest as your recurring dream.”

Hindi na maipagpatuloy ni Yvonne ang mga susunod na sasabihin.

“Why are you crying, Yvonne?”

“May nangyayari sa katawan ko. Please magkita tayo…bukas ng umaga. Same place.”

“Shit! Are you pregnant?”

“No.”

“Okay. Is this cancer?”

“No!”

“Are you okay, Yvonne?”

“Tomorrow. 9:00 am. Sa Café Breton.”

Noong gabing iyon napanaginapan niyang muli ang mataas na bundok. Nakatitig siya sa bundok at tinatanaw niya ang pinakamataas na bahagi nito. Dumarampi ang malamig at makapal na hangin sa kanyang mukha. Sa panaginip itim pa rin ang kanyang buhok at kayumanggi ang kanyang balat. Sa malayo natanaw niya ang isang paparating na imahen: isang lalaki. Papalapit nang papalapit ang lalaki sa kanya. Hindi na niya hinintay na malapitan siya nito. Tinakbo niya ang lalaki nang malapitan. Pananabik ang nag-udyok sa kanyang alamin kung sino itong nilalang na papalapit sa kanya at nasa kanyang panaginip.

“Kamusta ka, Yvonne?”

“Kilala  mo ako?”

“Oo naman. Marami kami roon sa tuktok ng bundok at nakatanaw sa iyo. Matagal ka na naming kinakawayan para hikayatin kang umakyat pero tila hindi mo kami nakikita.”

“May mga tao pa roon sa bundok?”

“Marami kami roon. Kay tagal ka na naming kinakawayan para umakyat ka pero lagi ka lang nandito sa kinatatayuan mo ngayon.”

“Sorry hindi ko kayo nakikita. Makapal ang niyebe na bumabalot sa bundok.”

Tinanaw ng lalaki ang bundok at napangisi. “Kalokohan. Kitang-kita ko sila rito. Hayun, punong-puno ng tao ang bundok o!”

Ngunit wala namang makita si Yvonne. Nalungkot siya at napatalikod. Umiyak siya nang umiyak hanggang sa naramdaman niya na niyakap na lang siya ng lalaki.

Nang magising si Yvonne noong umagang iyon, ang ikatlong adlaw, dali-dali siyang nagbihis upang makipagkita kay Alex. Sa umagang iyon din napagtanto na niya na nauubos na ang kanyang oras. Pagpasok niya kasi sa loob ng banyo napansin niyang may butas sa kanyang puting dibdib. Butas na kasing kasing laki ng bola ng basketball. Ang butas ay tagos hanggang sa kanyang likod. Hindi naman nabutas ang kanyang katawan dahil nakakapa niya ang bahaging ito ng kanyang dibdib. Unti-unti nang kinakain ng laho ang kanyang katawan bagaman buong-buo pa rin ito sa kanyang mga pandama. Natawa siyang bigla dahil nakita niya sa salamin ang isa niyang suso; kalahati pa lamang ng kaliwa niyang suso ang nakakain ng laho.

“Kailangan ko nang kumilos ng mabilis. Unti-unti na akong magiging invisible sa lahat. Nais kong makita muna ako ni Alex bago ako tuluyang kainin ng laho. At least may magbibigay ng testimonya na minsan nabuhay ako…at patuloy akong nabubuhay kahit hindi ako nadarama ng iba.”

Bumaba si Yvonne sa Ayala Station at mabilis niyang binaybay ang mga malls na daraanan bago marating ang Café Breton sa pusod ng Greenbelt. Dahil sa pagmamadali hindi na namalayan ni Yvonne na unti-unti nang nahuhulog sa lupa ang kanyang mga damit. Nasa tapat na siya ng isang magandang fountain sa harap ng Café Breton nang mapagtanto niya na huli na ang lahat. Tuluyan na siyang kinain ng laho bagaman nararamdaman niya pa rin ang kanyang paghinga, nahahawakan niya ang kanyang sarili, at nakikita niya ng buong-buo ang daigdig. Napaupo siya sa gilid ng fountain sa gitna ng lunan na ito ng karangyaan. At tinanaw niyang maigi si Alex. Kung paano ito naghihintay sa kanya. Ngayon lang kasi naghintay si Alex sa kanya. Palaging siya ang naghihintay sa kanilang mga pagkikita. Madali pa lang mabagot si Alex, bulong niya sa sarili matapos makitang umalis ang kasintahan limang minuto matapos ang takdang oras ng kanilang pagkikita.

Lingid sa kaalaman ni Yvonne hindi lahat ng tao ay walang matang makakakita sa kanya. Mula sa kanyang kinauupuan natatanaw siya ni Edgar, ang anak na lalaki ni Lipoy. Pauwi na si Edgar mula sa kanyang night shift sa isang isang bar sa ikatlong palapag ng Greenbelt. Tanaw na tanaw niya sa kalayuan ang kahubdan ni Yvonne. Napahinto si Edgar sa kanyang paglalakad. Kinusot niya ang kanyang mga mata na baka sakaling namamalik-mata lang siya dahil sa antok at pagod. Hindi, isang babaeng nakahubo’t hubad ang naka-upo sa gilid ng fountain.

Ngunit binalot ng pagtataka si Edgar nang mapansin niyang tila hindi natitinag ang lahat ng mga dumaraan sa postura ng babaeng nakahubad. Hindi rin natitinag ang guwardiya sa harap ng Café Breton. Binalot ng takot si Edgar at naisip niya na ang babae ay isang multo. Nagpasya si Edgar na babain ang fountain kung saan niya nakita ang babaeng nakahubo’t hubad.

Nang marating niya ang lugar wala na si Yvonne. Umalis na kasi si Yvonne noong bumababa si Edgar patungo sa fountain.

Nagdesisyon si Yvonne na magtungo na lamang sa Chapel at magdasal. Napagpasiyahan niya kasi noong oras na iyon aakyatin niya ang pinakamataas na gusali sa Makati. Sa tutok ng mataas na gusaling ito wawakasan niya ang kanyang buhay. Wala namang lilinising kalat ang mga taga-linis ng lansangan, walang maaabalang mga pedestrian sa mga pira-pirasong laman na nagkalat sa aspaltadong daan, walang magugulong pulis at reporter. Nagpasya siyang magpakamatay at sigurado siyang mananatiling karaniwan ang pamumuhay, tulad ng kada-adlaw ng rush hour sa mga lansangan, sa lungsod na pinaglagakan sa kanya.

“Sigurado ako may nakita akong babaeng nakahubad sa fountain,” bulong ni Edgar sa sarili nang makasakay na siya bus pauwi sa kanila. Binabalot pa rin siya ng pagtataka. “Ngunit hindi naman siguro papayagan ng mga tao na makakita sila ng babaeng hubo’t habad sa kanilang harapan? At hindi rin papayagan ng mga guwardiya?” Hindi pa rin matapus-tapos ang mga pagtatanong niya sa sarili. Nitong mga nagdaang adlaw maraming mga hindi maipaliwanag na bagay ang dumarating sa kanya at hindi niya mapagtagni-tagni ang mga nais na iparating.

Dalawang adlaw na ang nakararaan nang makita niya ang kanyang ama na walang ulo sa harap ng salamin. Parang hindi naman ito napapansin ni Lipoy dahil patuloy ang pagsusuklay nito. Nais niya sanang lapitan ang ama upang paalalahanan ngunit naisip niya kung bibigyan niya ng katuturan ang pangyayari sa pamamagitan ng pagbanggit nito sa kanyang ama, ito’y isang paraan na rin ang paggawad ng katotohanan sa kanyang nasaksihan. Malupit ang katotohanan ngunit nasa kanya pa rin ang pagpapasya kung bibigyan niya ito ng karatapang manatili at hayaang mamuhay sa kanyang daigdig.

Naiipit sa trapiko sa panulukan ang EDSA at Ayala ang bus na kanyang sinasakyan. Malalim pa rin ang kanyang iniisip. “Sino ang babaeng nakahubad? Totoo ba siya o kathang isip ko lamang? Putang ina…” Inihilig ni Edgar ang ulo niya sa salaming bintana ng bus at pinag-masdan ang mga nagaganap sa labas. Hindi siya sumasakay ng tren pauwi sa kanila. Nakasanayan na niyang sumakay ng bus simula’t sapul na magtrabaho siya sa Makati. Sa bus nakapagpapahinga siya, sa bus napag-iisipan niya ang lahat-lahat na hindi niya napagtutuunan ng pansin sa ibang lugar, sa bus nakikita niya ang daigdig na nagpa-parada sa kanya tulad ng sa pista na hindi niya kailangang umalis sa kinasadlakang pananatili, sa bus nakakausap niya ang kanyang sarili.

Sabi ng kanyang ina ‘iba’ siya kung ikukumpara sa kanyang mga kapatid. Hindi na niya noon tinanong ang kanyang ina kung ano ang ibig sabihin ng pagiging ‘iba’ niya sa kanyang mga kapatid. Hindi naman ganoon kalalim ang relasyon niya sa kanyang mga magulang. Walang siyang natatandaang ibinulalas na galit o anumang marubdob na damdamin sa kanyang ina.

Minsan naulinigan niya ang pag-uusap ng kanyang mga magulang.

“Malalim palaging mag-isip ang anak mo.”

“Ewan sa iyo, Lita, tigilan mo nga ako niyan. Hindi lang palakibo ang iyong anak. Hindi ibig sabihin noon e malalim nang mag-isip.”

“Minsan hindi ko maintindihan ang anak mo. Minsan natatakot ako sa kanya…sa kung anong sasabihin niya na baka…baka hindi ko maintindihan o kaya’y may sabihin siyang hindi ko matanggap…”

“Ha? Ewan ko sa iyo, Lita, kung anu-ano ang iyang pinagsasabi mo.”

“Basta natatakot ako sa anak mong iyan…”

Simula noon lalong siyang napalayo sa ina. Hindi niya mawari kung anong dahilan na hindi niya mailapit ang sarili sa ina. Minsan nagkakailangan na sila. Tila naging ibang tao na sa kanya si Lita. “Ganoon pala ang mangyayari kung malaman mong natatakot sa iyo ang isang tao…nagkakaroon ng malalim at malaking guwang sa pagitan niyo…”ganoon na lamang niya tinimbang ang lahat-lahat sa pagitang nilang mag-ina.

Humimpil ang bus nang marating nito ang harap ng SM Megamall. Tinanaw ni Edgar ang naglalakihang billboards na nakadikit sa matataas at malalapad na gusali ng mall. “Kay gandang mga nilalang…kay gandang pagmasdan…” bulong niya sa sarili habang pinagmamasdan ang mga modelo na inimprenta sa mukha ng naglalakihang mga tarpaulin.

“Ano ba ang kagandahan?” bulalas ng mama na nasa tabi niya. May katandaan na ang mama at nakasuot siya ng maragang de-kuwelyong polo at may hawak pang maleta na pang-opisina.

Hindi nakapagsalita si Edgar ngunit tila nabasa ng mama ang pagtatanong sa kanyang mukha.

“Ang sabi mo kasi ‘Kay gandang mga nilalang at kay gandang pagmasdan’ ang mga nasa larawan na nakapaskil sa Megamall. Ngayon tinatanong kita, ano nga ba ang kagandahan?”

Nagimbal si Edgar sa mga salitang binitiwan ng mama. “Teka, wala akong sinasabing ganoon!”

“Hindi mo nga sinasabi pero iniisip mo.”

“Nababasa mo ang isip ko?” Nais na sanang tumayo ni Edgar at lumipat ng ibang upuan. Binalot ng takot ang katawan niya. Sa paanong paraang nalalaman ng mamang ito ang kanyang iniisip.

“Huwag kang mabahala, Edgar. Hindi ako masamang tao. Isa lang akong makata.”

“Kung hindi ka masama paanong…paanong wala na akong maitatago sa iyo?”

“Wala ka talagang maitatago sa akin. At dahil doon hindi na ako masama. Kung masama ako may mga bagay akong hindi nalalaman sa iyo. Halimbawa ang iyong ina, ang iyong ama, at ang iyong mga naging kapatid maging ang iyong asawa.”

Napayukod si Edgar. Tumatagaktak na ang pawis niya sa sentido at tila nagiging maalinsangan na ang panahon sa lungsod na iyon na pinaglakagan sa kanya.

“Ikaw ang masama, Edgar. Binibigyan mo ng mga motibo ang mga tao sa pag-iisip nila tungkol sa iyo dahil hindi mo naman binubuksan ang sarili mo sa kanila. Kaninang umaga may ‘nasilip’ ka sa daigdig…sa kung saan ka nagtatrabaho tama ba ako?”

“Nasilip? Hindi ko maintindihan ang sinasabi mo. Ewan.”

“Nakita mo ang kahubdan ng buhay. May isang nagpakita sa iyo ng kanyang sarili. Iyon ay isang katapangan.”

Naisip ni Edgar ang babaeng nakahubad sa tabi ng fountain sa Greenbelt.

“Tama. Siya nga…siya nga…”

Tumayo ang mama at pumara sa konduktor. Naiwang nakanganga sa pagtataka si Edgar. Ni hindi nagtapon ng lingon-likod kay Edgar ang mama. Isiniksik niya ang sarili niya sa upuan . Tinanaw niya ang mga tao sa ibaba ng bus na naghihintay sa kung ano, ang mga bahay at gusali na nadadaanan.  Kada-adlaw niyang tinatahak ang rutang iyon pero parang kada-adlaw na nagbibihis ang lungsod. Namamanhid ang kanang kamay niya. Hindi niya maigalaw. Ganito palagi ang nangyayari sa kanya kapag binabagabag ng matinding damdamin halimbawa ng galit, takot, maging kabiguan sa pag-ibig. Sa paanong paraan may nakababasa ng kanyang isipan? Sa paanong paaran pa itatago ang kanyang sarili sa daigdig kung may estrangherong nakakapasok sa pinakamalalim na bahagi ng kanyang pagkatao? Namalayan na lamang ni Edgar ang kanyang sarili na nakababa na pala siya ng bus at naglalakad papasok sa kanilang bahay.

“Pagod ka naman sa trabaho ha, Edgar?” salubong sa kanya ni Lita.

Huminto panandali sa Edgar at humarap sa kanyang ina. Matagal silang nagkatitigan ni Lita. Yumuko na lamang siya at pumasok sa kanilang silid. Naiwan si Lita na nakatayo at punong-puno ng pagtatanong. Hindi na napigilan ni Lita ang tumulong mga luha at mainit na bumaybay sa kanyang mga pisngi. Hindi na niya talaga kilala ang lalaking iniluwal ng sariling katawan. Sa simula’y paghikbi lamang hanggang sa nagtuloy-tuloy siyang humagulgol.

Naririnig pa ni Edgar mula sa kanyang higaan ang ingay ng kanyang ina. Ipinikit niya ang kanyang mga mata. Naisip niya, mamaya, pagdating ng kanyang ama, sa pagdating ni Lipoy ipaaalam na niya sa kanyang mga magulang na nais na niyang mamatay. Nais na niyang tapusin ang pag-asa sa hindi dumarating na pagkakataon.

Ngunit ang hindi alam ni Edgar, na sa lungsod na iyon na pinaglagakan sa kanya, nasa kamay palagi ng pagkakataon ang lahat ng pagpapasiya.

 

Si ROGELIO BRAGA ay mandudula, mananaysay, nobelista, at kuwentista. Ang Mga ay mula sa kanyang aklat ng mga katha May Rush Hour Ba sa Third World Country.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s